Monday, September 10, 2012

Bagong iskema sa pagkuha ng ICC sticker ng mga motorista inanunsyo ng DTI


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Setyembre 10 (PIA) – Ipinalabas ng Department of Trade ad Industry (DTI) Sorsogon ang pinakahuli nilang anunsyo kaugnay ng patuloy na ipinatutupad nilang mandatory certification ng mga helmet at visor na ginagamit ng mga motorista.

Ayon kay DTI Sorsogon provincial director Leah Pagao, ang anunsyo ay kaugnay ng susunding iskedyul ng pagpoproseso ng aplikasyon ng mga motorista ng Imported Commodity Certification (ICC) sticker na ilalagay sa kanilang mga helmet at visor.

Ayon sa opisyal, ang susunding iskema ay batay sa simulang letra ng apelyido ng mga aplikante na kinabibilangan ng mga sumusunod: Ang may mga apelyidong nagsisimula sa letrang A hanggang I ay nakaiskedyul ngayong buwan ng Setyembre, J hanggang P sa buwan ng Oktubre habang ang mga letrang nagsisimula sa Q hanggang Z ay nakaiskedyul naman sa Nobyembre ngayong taon.

Ang pagpapatupad ng ganitong iskema ay upang maiwasan ang pagkakaantala sa pagpoproseso ng aplikasyon ng mga motorista dahilan sa pagsisiksikan sa loob ng tanggapan ng DTI. 

Dagdag pa ni Pagao na dapat lamang na magsumite ang mga aplikante ng kopya ng kanilang lisensya sa pagmamaneho.

Matatandaang ipinatupad ang mandatory certification ng mga helmet at visor alinsunod sa Joint Administrative Order No. 1 series of 2012 ng Department of Transporation and Communication (DoTC) at Department of Trade and Industry (DTI) na nag-aatas sa mga motorista na iparehistro ang kanilang ginagamit na helmet para na rin sa personal nilang kaligtasan.

Layon nitong maiiwas ang mga motorista sa mas malala pang mga panganib na maaaring kaharapin habang nagmamaneho sa mga lansangan. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment