Tuesday, September 25, 2012

Programa ng DSWD, nagpabago sa pananw ng mga lokal na residente



LUNGSOD NG SORSOGON, September 25 (PIA) – Community Empowerment. Ito ang malaking ambag sa komunidad ng lahat ng programang ibinibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lalawigan ng Sorsogon.
   
Ayon sa karamihan sa mga benepisyaryo ng programa ng DSWD partikular sa mga barangay ng Rangas, Embarcadero at Taboc sa bayan ng Juban, Sorsogon, ang mga programang  gaya ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), KALAHI-CIDDS at Sustainable Livelihood Program ang nagtuturo sa kanila upang mabago ang kanilang pananaw sa buhay.

Ayon kay Barangay Chairman Nilo Balbedina ng Brgy. Ranggas, Juban, malaking tulong sa kanila ang bagong health center sa kanilang barangay na naitayo sa pamamagitan ng Kalahi-CIDDS na sa ngayon ay nakapagbibigay benepisyo sa mahigit isang-daang mga bata at mga mamamayan sa buong komunidad pagdating sa mga problemang pangkalusugan.

Sinabi ni Baldebina mas naging aktibo din ang mga magulang sa pagpapa-aral ng kanilang mga anak kung saan mas marami ang bilang ng mga nakakapag-aral dahil sa programang 4Ps.

Sa kabilang dako, sinabi ni Sara Espano, isang aktibong benepisyaryo ng 4Ps na malaking tulong sa kanila ang ibinigay ng pamahalaan upang makabili ng mga kagamitang sa eskwela ng kanilang mga anak at mabigyan ng tamang pangangalaga sa kalusugan lalo na’t kinakailangan nilang regular na ipa-chek-up din ang kanilang mga anak. 

Ayon sa mga natulungang residente, nararamdaman nila ang pagkalinga ng pamahalaan kung kaya’t dapat lamang umanong gamitin sa talagang layunin ang tulong na nakukuha sa pamahalaan at maging responsable ang mga mamamayang nakakakinabang dito nang sa gayon ay tuluyan nang masagutan ang suliranin sa kahirapan sa bansa. (BARecebido, PIA Sorsogon/HBinaya)

No comments:

Post a Comment