Friday, October 5, 2012

Field Trip sa lahat ng paaralan, pansamantalang ipinatigil ng DepEd Sorsogon



Ni: FBrancisco B. Tumalad, Jr.

LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 5 (PIA) – Halos taon-taon ay nakasanayan na ng mga paaralan sa Sorsoogn na magsagawa ng taunang field trip o educational tour bilang requirement sa mga mag-aaral at masilayan ng mga bata ang lahat ng magagandang tanawing makikita sa Naga City, Albay at iba pang lugar sa Camarines Sur.

Subalit matapos mapabalita ang insidente ng pagkalunod ng dalawang mag-aaral ng Cebu International School sa Bataan noong Setyembre 13, 2012 ay kagyat na nagdesisyon ang Department of Education (Deped) Central Office na ipatigil ang pagsasagawa ng mga field trip sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa.

Matapos ito ay agad ding nagpalabas si Sorsogon Deped Schools’ Division Superintendent Salvacion Espidido ng kahalintulad na derektiba sa lahat ng mga school heads na nasa ilalim ng kanyang pamamahala.

Maliban sa hindi na sila magbibigay ng permiso sa mga pampublikong paaralan na nagbabalak pang magsagawa ng field trip, yaong mga field trip na una na nila umanong pinayagan ay kanila na ring sususpindihin.

Ayon sa opisyal, naniniwala siyang maganda sana ang layunin ng Educational Tour at Field Trip sapagkat nagkakaroon ng ibang karanasan ang mga mag-aaral at lumalawak ang kaalaman ng mga ito pagdating sa mga pook-pasyalan at historical sites, subalit nagiging lantad naman ito sa mga panganib lalo pa’t kung malalayo ang mga lugar na pinupuntahan.

Sumang-ayon din ang opisyal sa suhestiyon ng karamihang stakeholders na mainam na lamang na makipag-ugnayan ang DepEd sa Department of Tourism Regional Office na makunan na lamang ng video ang mga pamosong destinasyon sa buong kabikolan at ito na lamang ang gawing palabas sa mga paaralan.

“Makakatipid na sa gastos rito ang mga magulang at maiiwasan pa ang mga aksidente dulot ng pagbibiyahe at pagpasok sa mga pook-pasyaslan,” pahayag pa ni Espedido. (FB Tumalad, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment