Friday, September 28, 2012

PESO Sorsogon nakatakdang tanggapin ang parangal bilang Regional Best PESO Award



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, September 27 (PIA) – Nakatakdang tumulak sa susunod na linggo patungong lungsod ng Baguio si Provincial Public Employment Services Officer Lorna T. Hayag upang tanggapin ang pagkilala bilang Bicol Regional Best Provincial Employment Services Office 2012.

Ayon kay Hayag, nakuha nila ang ganitong pagkilala dahilan sa epektibo nilang pagpapatupad ng mga programa ng Public Employment Services at sa tagumpay nila sa larangan ng pagtulong sa mga Sorsoganon na makakuha ng trabaho hindi lamang dito sa loob kundi maging sa labas ng bansa.

Maganda rin umano ang nabuo nilang samahan at pag-uugnayan ng Sorsogon Techinical Educational Skills and Development Authority (TESDA) para sa iskema ng jobseeker match at job vacancies upang makakuha ng maayos at magandang oportunidad na makapagtrabaho ang mga Sorsoganon.  

Sa ilalim ng pamamahala ni Hayag bilang PES Officer sa superbisyon na rin ni dating Gobernador ng Sorsogon at ngayon ay Executive Director ng Sorsogon Provincial Management Office, Sally A. Lee at ng kasalukuyang Gobernador ng lalawigan Gov. Raul R. Lee, nakuha ng PESO Sorsogon mula 2007, 2008, 2010, 2011 at 2012 ang “Search for the Best PESO” provincial, regional at national award.

Sinabi din ni Hayag na positibo silang makukuha nila ang Hall of Fame Award bilang Best PESO sa buong Pilipinas dahilan na rin sa tatlong sunud-sunod na Outstanding Performance ng PESO Sorsogon.

Dagdag din niya na noong nakaraang taon, sa isinagawang quarterly meeting ng PESO association sa lalawigan ng Catanduanes, nagpasa ng isang resolusyon ang mga opisyal ng PESO sa buong rehiyon para sa institutionalization ng lahat ng tanggapan ng PESO sa bansa.

Samantala, Hinikayat ni Provincial Public Employment Services Officer Lorna Hayag ang mga Sorsoganong nais makahanap ng trabaho na magsadya sa kanilang tanggapan na matatagpuan sa ikalawang palapag ng Kapitolyo Probinsyal.

Aniya, ang mga Public Services Office (PESO) ay isang tanggapang akreditado ng Department of Labor and Employment (DOLE) na tumutulong sa mga mamamayang nais makahanap ng trabaho alinsunod sa kanilang kapasidad at kwalipikasyon.

Paliwanag din ng opisyal na kung sakaling malayo sila sa kapitolyo ay maaari ring magsadya sa mga PESO sa kani-kanilang mga munisipyo upang makakalap din ng kaukulang impormasyon at tulong kaugnay sa mga programang ipinatutupad nito. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment