Friday, October 5, 2012

Mga kalsadang may mataas na traffic volume prayoridad ng DPWH



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 5 (PIA) – Prayoridad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang konstruksyon ng mga lansangang may mataas na traffic volume o maraming mga sasakyan ang dumadaan.

Ito ang pahayag ni DPWH 1st District Engineer Romeo Doloiras bilang paliwananag sa ilang mga katanungan ng mga lokal na residenteng nagnanais na agarang magkaroon ng konstruksyon ng mga lansangan sa kanilang lugar.

Ibinigay na halimbawa nito ang Banuang-Gurang sa Donsol na isang national road kung saan aniya, marami na silang natatanggap na kahilingan na ayusin ang kalsada, subalit nang tasain ng DPWH ay masyadong mababa ang volume ng mga dumadaang sasakyan dito kaya isinabay nila umano ito sa less priority.

Aniya, higit na inuuna nila ang mga kalsadang may matataas na traffic volume kahit pa barangay road ito. Dagdag din niya na kung ang kalsada ay nagiging daanan din patungo sa isang deklaradong tourism destination o site at nagiging busy para sa mga motorista ay kinukunsidera rin nilang priority project ito at agaran nilang ginagawa ang pagsasaayos ditto tulad na lamang umano sa ilang mga barangay road sa bayan ng Donsol.

Subalit nilinaw niya na hindi porke’t ang kalsada ay naisasabay sa listahan ng mga less priority ay hindi na nila pagtutuunan ng pansin ito.

Samantala, inanunsyo din niya na handa na ang retirement incentive ng mga nagretirong empleyado sa ilalim ng rationalization plan ng DPWH. Nasa 95 porsyento na umano ang ginagawang pagpapatupad ng rationalization plan ng knilang tanggapan at yaong mga nakabilang sa first batch ay lahat na nakakuha na ng kanilang kaukulang benepisyo. (BARecebido, PIA Sorsogon)



No comments:

Post a Comment