Friday, October 5, 2012

Suhestyon ng mga mamamahayag pinuri sa isinagawang presscon ng Kasanggayahan Festival



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 5 (PIA) – Naging bukas ang Kasanggayahan Foundation, Inc. (KFI) at ang pamahalaang probinsyal ng Sorsogon sa pagtanggap sa mga suhestyon mula sa mga lokal na mamamahayag ng Sorsogon nang sa gayon ay higit pang maging matagumpay ang gagawing pagdiriwang ng Kasanggayahan Festival ngayong taon.

Sa isinagawang press conference para sa Kasanggayahan Festival 2012, ilan sa mga nabigyang atensyon ng mga mamamahayag ay ang partisipasyon ng lehislatibo sa paglatag ng mga aktibidad, pagtuon ng karagdagan pang pansin sa mga organikong magsasaka, pagdodokumento ng mga natatanging produktong agrikultural ng lalawigan ng Sorsogon, pagalingan sa pagluto ng “linangtang” pili at pagkain nito, karagdagang literacy contest maliban sa “rawit-dawit” at iba pang mga suhestyong may kaugnayan sa sining.

Bukas-loob namang tinanggap ang mga suhestyong ito ng dalawang panig at ayon sa pahayag ni Sorsogon Provincial Management Office Executive Director Sally A. Lee na siya ring kinatawan ni Sorsogon Governor Raul R. Lee, masaya siyang mayroong mga nagbibigay ng suhestyong katulad nito lalo pa’t sinisimulan na rin nilang pagplanuhan ang 5-year development plan para sa Kasanggayahan Festival at ang mga suhestyong mula sa iba’t-ibang sector ng komunidad sa Sorsogon ang hinihintay nila upang maging participatory ang gagawing pagpaplano ng nag-iisang festival ng lalawigan ng Sorsogon.

Hiniling din ni KFI President Msgr. Francisco Monje na maging kaisa ng Kasanggayahan Foundation, Inc. at ng provincial government ang lokal na media sa pagpapaabot ng tamang impormasyon sa publiko nang sa gayon ay maiwasan ang anumang mga agam-agam, pagkalito sa mga aktibidad bagkus ay makapagbigay ng inspirasyon sa publiko at hikayatin ang mga ito na makilahok at suportahan ang aktibidad at tunay na maipakilala ang Sorsogon bilang lupain ng Kasanggayahan at maipakilala din sa lahat ng mga Sorsoganon ang tunay na layunin ng pagdiriwang ng Kasanggayahan Festival.

Samantala, binigyang-diin din ni Msgr. Monje na hindi lamang nakatuon ang pagdiriwang ng festival sa promosyong agrikultural kundi hindi dapat makalimutan ng mga Sorsoganon ang pasasalamat sa Panginoon sa likas na yaman at biyayang ibinigay niya sa Sorsogon. Tatlong misa umano ang dapat na sabay-sabay na ipagdiwang tulad ng Misa sa pagbubukas ng aktibidad sa Oktubre 8, 2012, als syete ng umaga sa Capitol Grounds, , Pilgrimage Mass sa Gibalon, Magallanes sa Oktubre 13, 2012, alas-otso ng umaga at ang Thanksgiving Mass sa Oktubre 17, 2012, alas-otso ng umaga sa Capitol Grounds bilang pagtatapos ng aktibidad. (BARecebido, PIA Sorsogon/HBinaya)

No comments:

Post a Comment