Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 5 (PIA) – Naging bukas ang
Kasanggayahan Foundation, Inc. (KFI) at ang pamahalaang probinsyal ng Sorsogon
sa pagtanggap sa mga suhestyon mula sa mga lokal na mamamahayag ng Sorsogon
nang sa gayon ay higit pang maging matagumpay ang gagawing pagdiriwang ng
Kasanggayahan Festival ngayong taon.
Sa isinagawang press conference para sa
Kasanggayahan Festival 2012, ilan sa mga nabigyang atensyon ng mga mamamahayag
ay ang partisipasyon ng lehislatibo sa paglatag ng mga aktibidad, pagtuon ng
karagdagan pang pansin sa mga organikong magsasaka, pagdodokumento ng mga
natatanging produktong agrikultural ng lalawigan ng Sorsogon, pagalingan sa
pagluto ng “linangtang” pili at pagkain nito, karagdagang literacy contest
maliban sa “rawit-dawit” at iba pang mga suhestyong may kaugnayan sa sining.
Bukas-loob namang tinanggap ang mga
suhestyong ito ng dalawang panig at ayon sa pahayag ni Sorsogon Provincial
Management Office Executive Director Sally A. Lee na siya ring kinatawan ni
Sorsogon Governor Raul R. Lee, masaya siyang mayroong mga nagbibigay ng
suhestyong katulad nito lalo pa’t sinisimulan na rin nilang pagplanuhan ang
5-year development plan para sa Kasanggayahan Festival at ang mga suhestyong
mula sa iba’t-ibang sector ng komunidad sa Sorsogon ang hinihintay nila upang
maging participatory ang gagawing pagpaplano ng nag-iisang festival ng
lalawigan ng Sorsogon.
Hiniling din ni KFI President Msgr.
Francisco Monje na maging kaisa ng Kasanggayahan Foundation, Inc. at ng
provincial government ang lokal na media sa pagpapaabot ng tamang impormasyon
sa publiko nang sa gayon ay maiwasan ang anumang mga agam-agam, pagkalito sa
mga aktibidad bagkus ay makapagbigay ng inspirasyon sa publiko at hikayatin ang
mga ito na makilahok at suportahan ang aktibidad at tunay na maipakilala ang
Sorsogon bilang lupain ng Kasanggayahan at maipakilala din sa lahat ng mga
Sorsoganon ang tunay na layunin ng pagdiriwang ng Kasanggayahan Festival.
Samantala, binigyang-diin din ni Msgr.
Monje na hindi lamang nakatuon ang pagdiriwang ng festival sa promosyong
agrikultural kundi hindi dapat makalimutan ng mga Sorsoganon ang pasasalamat sa
Panginoon sa likas na yaman at biyayang ibinigay niya sa Sorsogon. Tatlong misa
umano ang dapat na sabay-sabay na ipagdiwang tulad ng Misa sa pagbubukas ng
aktibidad sa Oktubre 8, 2012, als syete ng umaga sa Capitol Grounds, ,
Pilgrimage Mass sa Gibalon, Magallanes sa Oktubre 13, 2012, alas-otso ng umaga
at ang Thanksgiving Mass sa Oktubre 17, 2012, alas-otso ng umaga sa Capitol
Grounds bilang pagtatapos ng aktibidad. (BARecebido, PIA Sorsogon/HBinaya)
No comments:
Post a Comment