Friday, October 5, 2012

Grupo mula sa PNP General Headquarters, nagsagawa ng taunang inspeksyon sa mga kapulisan ng Sorsogon



Ni:FB Tumalad

LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 5, 2012 (PIA) – Dumating noong Lunes, Oktubre 1, 2012, sa Kampo Escudero, Sorsogon ang grupo ni Police Superintendent Feloteo A. Gonzalgo at Police Senior Inspector Ronald Allan Tolosa ng Philippine National Police General Headquarters upang magsagawa ng Annual General Inspection/Operational Readiness Security Inspection Test and Evaluation (AGI/ORSITE) sa lahat ng kasapi ng kapulisan sa syudad at probinsya ng Sorsogon.

Ayon kay Police Community Relations Public Information Officer Police Chief Inspector Nonito Marquez, isinailalim sa masusing ebalwasyon ang mga yunit ng kapulisan upang sukatin ang kahandaan ng mga ito sa pagtugon sa ibat-ibang uri ng insidente tulad ng Hostage Crisis Management, pagdepensa ng kampo, Fire Drill, First Aid at iba pang sitwasyon.

Kabilang rin sa misyon ng AGI/ORSITE ang pagrekisa sa lahat ng mga kagamitang isinuplay ng gobyerno sa PNP upang matiyak na maayos itong minamantini at pinapangalagaan.

Sinabi pa ni Marquez na sa panghuling bahagi ng aktibidad ay sumalang sa pagsusuri ang mga record section upang malaman kung maayos na naipapatupad ang mga derektiba,  proyekto at  mga programa ng PNP hanggang sa pinakamaliit na tanggapan ng pulisya sa probinsya ng Sorsogon.(FBTumalad,PIA Sorsogon/PCI NMarquez,PNP-CPCR/PIO)

No comments: