Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 5 (PIA) –
Opisyal nang bubuksan sa Lunes, Oktubre 8 ang sampung araw na aktibidad ng
Kasanggayahan Festival ngayong taon kung saan inaasahan ang pagdating ni
Philippine Red Cross (PRC) Chairman Dick Gordon na siyang magiging panauhing
pandangal at ni Department of Tourism (DoT) Bicol Regional Director Maria O.
Ravanilla na nakatakda ring magbigay ng mensahe.
Alas-syete ng umaga sisimulan ang isang
banal na misa sa Capitol Grounds na agad namang susundan ng isang simpleng
Opening Program subalit inaasahang magmamarka sa isipan ng mga Sorsoganong
dadalo sa aktibidad.
Si Ginoong Lenardo Sarcia mula sa sektor ng
mga magsasaka ang tatayong emcee.
Isang tableu ng Lupang Hinirang ang
ipapamalas ng Community-Based Theather Group (CBTG) sa pangunguna ni Artistic
Director Dan Razo at si Kasanggayahan Foundation, Inc. (KFI) President Msgr.
Francisco Monje ang magbibigay ng pambungad na pananalita.
Si Ginoong Salvador Espena naman na Pangulo
ng Provincial Small Water Impounding System Association (SWISA) Federation mula
din sa sektor ng mga magsasaka ang naatasang magpakilala ng panauhing
pandangal.
Matapos ang mensahe ni PRC chaiman Gordon
ay isusunod na ang deklarasyon ni Sorsogon Governor Raul R. Lee ng pagbubukas
ng Kasanggayahan Festival 2012.
Bago ang Pagtataas ng Bandila at banner ng
mga opisyal ng KFI at lokal na pamahalaan ng 14 na bayan at isang lungsod, ay
aawitin ang Sorsogon March.
Aawitindin ang Kasanggayahan Hymn bago
isasagawa ang Ceremonial “Tiriladan” o Nut-Cracking Activity na lalahukan ng
mga panauhin, mga halal na opisyal ng Sorsogon, opisyal at board members ng
KFI, kasapi ng Sangguniang Panlalawigan at mga hepe ng national government
agencies at ng provincial government. Bukas din ang aktibidad sa publikong nais
ding makilahok sa nasabing tiriladan.
Matapos ito ay gaganapin na ang pagbubukas
at pagbasbas sa Kasanggayahan Trade Fair at Art Exhibit.
Agad ding isusunod ang isang Military Civic
Parade sa kahabaan ng pangunahing lansangan ng Lungsod ng Sorsogon.
Samantala, nakatakda namang isadokumento ng
Living Asia, isang Asian travel at lifestyle TV Network, ang pagbubukas at ang
mga natatanging aktibidad ng Kasanggayahan Festival na siyang magbibigay pa ng
oportunidad sa lalawigan ng Sorsogon upang makilala ang mga potensyal nito
hindi lamang sa loob ng bansa kundi maging sa labas man ng Pilipinas.
(BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment