Friday, October 5, 2012

Opening Day ng Kasanggayahan Festival 2012 sa Oktubre 8 na



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 5 (PIA) – Opisyal nang bubuksan sa Lunes, Oktubre 8 ang sampung araw na aktibidad ng Kasanggayahan Festival ngayong taon kung saan inaasahan ang pagdating ni Philippine Red Cross (PRC) Chairman Dick Gordon na siyang magiging panauhing pandangal at ni Department of Tourism (DoT) Bicol Regional Director Maria O. Ravanilla na nakatakda ring magbigay ng mensahe.

Alas-syete ng umaga sisimulan ang isang banal na misa sa Capitol Grounds na agad namang susundan ng isang simpleng Opening Program subalit inaasahang magmamarka sa isipan ng mga Sorsoganong dadalo sa aktibidad.

Si Ginoong Lenardo Sarcia mula sa sektor ng mga magsasaka ang tatayong emcee.

Isang tableu ng Lupang Hinirang ang ipapamalas ng Community-Based Theather Group (CBTG) sa pangunguna ni Artistic Director Dan Razo at si Kasanggayahan Foundation, Inc. (KFI) President Msgr. Francisco Monje ang magbibigay ng pambungad na pananalita.

Si Ginoong Salvador Espena naman na Pangulo ng Provincial Small Water Impounding System Association (SWISA) Federation mula din sa sektor ng mga magsasaka ang naatasang magpakilala ng panauhing pandangal.

Matapos ang mensahe ni PRC chaiman Gordon ay isusunod na ang deklarasyon ni Sorsogon Governor Raul R. Lee ng pagbubukas ng Kasanggayahan Festival 2012.

Bago ang Pagtataas ng Bandila at banner ng mga opisyal ng KFI at lokal na pamahalaan ng 14 na bayan at isang lungsod, ay aawitin ang Sorsogon March.

Aawitindin ang Kasanggayahan Hymn bago isasagawa ang Ceremonial “Tiriladan” o Nut-Cracking Activity na lalahukan ng mga panauhin, mga halal na opisyal ng Sorsogon, opisyal at board members ng KFI, kasapi ng Sangguniang Panlalawigan at mga hepe ng national government agencies at ng provincial government. Bukas din ang aktibidad sa publikong nais ding makilahok sa nasabing tiriladan.

Matapos ito ay gaganapin na ang pagbubukas at pagbasbas sa Kasanggayahan Trade Fair at Art Exhibit.

Agad ding isusunod ang isang Military Civic Parade sa kahabaan ng pangunahing lansangan ng Lungsod ng Sorsogon. 

Samantala, nakatakda namang isadokumento ng Living Asia, isang Asian travel at lifestyle TV Network, ang pagbubukas at ang mga natatanging aktibidad ng Kasanggayahan Festival na siyang magbibigay pa ng oportunidad sa lalawigan ng Sorsogon upang makilala ang mga potensyal nito hindi lamang sa loob ng bansa kundi maging sa labas man ng Pilipinas. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment