Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 5 (PIA) –
Tiniyak ng Sorsogon City Water District (SCWD) na hindi apektado ng plano
nilang Bulk Water Supply Project ang sistema ng
irigasyon sa Kanlurang Distritio ng Sorsogon lalo na ang
Capuy-Pocdol-Basud-Guinlajon at Barayong-Bonglas-Gimaloto Irrigation System.
Ito ang naging pagtitiyak matapos na
maglahad ng mga agam-agam at hindi paboran ng farmers- irrigator’s organization
sa nabanggit na lugar ang balak na proyektong ito ng SCWD kasama ang Abejo
Waters Corporation (AWC) dahilan sa maaari umanong permanenteng
maapektuhan ang kanilang mga sakahan
sakaling magsimula na ang operasyon ng Bulk Water Facility sa Cawayan River.
Inihayag naman ni AWC Chief Executive
Officer Gabino Abejo na handa ang kanilang kompanya na sumunod sa anumang
nakasaad sa kanilang Memorandum of Agreement ng SCWD, pagbigyan ang kahilingan
ng mga magsasaka at tuparin ang kanilang Corporate Social Responsibility upang
patunayang tapat sila sa kanilang pakikipagnegosasyon sa lungsod ng Sorsogon.
Batay sa MOA, dapat na makapagsuplay ng
aabot sa 3,000 metro kubikong tubig ang AWC bilang karagdagang sa suplay ng
tubig sa buong lungsod ng Sorsogon na babayaran ng P10.88 bawat metro kubiko sa
loob ng 25 taon. Maliban pa sa eco-friendly din ito sapagkat hindi sila gagamit
ng kuryente at pawang natural lamang ang gagawing pagpapatakbo ng kanilang mga
kagamitan.
Sa paliwanag naman ng SCWD, sa pamamagitan umano
ng pakikipag-partner nila sa AWC, matutugunan na ng SCWD ang pangangailangan ng
mga konsumidor sa panahong may mataas na pangangailangan sa suplay ng tubig at
ang 20 posyentong reserba sa tubig sa panahong may sunog.
Sa kasalukuyan ay kumukuha ang SCWD ng
tubig mula sa walong bukal at pitong pumping station para masuplayan ng tubig
ang kanlurang distrito ng Sorsogon City.
Sa tulong umano ng AWC, makatitipid sila sa
kanilang operational expenses sapagkat magiging standby sources na lamang ang
mga pumping station na ito, at dahil hindi gagamit ng kuryente, aabot sa P12
milyon ang matitipid ng SCWD sa bayarin sa kuryente, habang mas matututukan
naman ng mga empleyadong nagbabantay sa mga pumping station ang pagmamantini ng
mga linya at iba pang operasyon ng SCWD. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment