Friday, October 5, 2012

Proyekto ng SCWD sa West District hindi dapat pangambahan



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 5 (PIA) – Tiniyak ng Sorsogon City Water District (SCWD) na hindi apektado ng plano nilang Bulk Water Supply Project ang sistema ng  irigasyon sa Kanlurang Distritio ng Sorsogon lalo na ang Capuy-Pocdol-Basud-Guinlajon at Barayong-Bonglas-Gimaloto Irrigation System.

Ito ang naging pagtitiyak matapos na maglahad ng mga agam-agam at hindi paboran ng farmers- irrigator’s organization sa nabanggit na lugar ang balak na proyektong ito ng SCWD kasama ang Abejo Waters Corporation (AWC) dahilan sa maaari umanong permanenteng maapektuhan  ang kanilang mga sakahan sakaling magsimula na ang operasyon ng Bulk Water Facility sa Cawayan River.

Inihayag naman ni AWC Chief Executive Officer Gabino Abejo na handa ang kanilang kompanya na sumunod sa anumang nakasaad sa kanilang Memorandum of Agreement ng SCWD, pagbigyan ang kahilingan ng mga magsasaka at tuparin ang kanilang Corporate Social Responsibility upang patunayang tapat sila sa kanilang pakikipagnegosasyon sa lungsod ng Sorsogon.

Batay sa MOA, dapat na makapagsuplay ng aabot sa 3,000 metro kubikong tubig ang AWC bilang karagdagang sa suplay ng tubig sa buong lungsod ng Sorsogon na babayaran ng P10.88 bawat metro kubiko sa loob ng 25 taon. Maliban pa sa eco-friendly din ito sapagkat hindi sila gagamit ng kuryente at pawang natural lamang ang gagawing pagpapatakbo ng kanilang mga kagamitan.

Sa paliwanag naman ng SCWD, sa pamamagitan umano ng pakikipag-partner nila sa AWC, matutugunan na ng SCWD ang pangangailangan ng mga konsumidor sa panahong may mataas na pangangailangan sa suplay ng tubig at ang 20 posyentong reserba sa tubig sa panahong may sunog.

Sa kasalukuyan ay kumukuha ang SCWD ng tubig mula sa walong bukal at pitong pumping station para masuplayan ng tubig ang kanlurang distrito ng Sorsogon City.

Sa tulong umano ng AWC, makatitipid sila sa kanilang operational expenses sapagkat magiging standby sources na lamang ang mga pumping station na ito, at dahil hindi gagamit ng kuryente, aabot sa P12 milyon ang matitipid ng SCWD sa bayarin sa kuryente, habang mas matututukan naman ng mga empleyadong nagbabantay sa mga pumping station ang pagmamantini ng mga linya at iba pang operasyon ng SCWD. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment