Tuesday, November 13, 2012

Anti-Political Dynasty Bill: solusyon nga ba sa kahirapan sa bansa?


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, November 12 (PIA) – Sinasabing sa bansang Pilipinas normal na senaryo na lamang ang mga makikitang magkakamag-anak sa pulitika o magkakamag-anak na halal ng bayan, kung kaya’t marami sa bansa ang kabilang sa tinatawag na political clan at political dynasty o oligarkiya sa termino ng political science. Kadalasan din kontrolado ng ilang mga kilalang pamilya ang pulitika sa Pilipinas.

Matapos ang 25 taon simula nang unang pag-usapan ang Senate Bill No. 82 o anti-political dynasty bill na inakda ni dating Bise Presidente Teofisto Guingona, Jr., sa 8th Congress of the Philippines noong 1987, mainit na namang pinag-uusapan ang anti-political dynasty bill ngayon,  lalo pa’t nalalapit na naman ang halalan sa 2013.

Matatandaang naipasa na sa Senado ang nasabing panukala noong 1987, subalit hindi ito naipasa sa Kongreso at ngayon ay mas naging mainit na ang usaping pagpapasa sa 15th Congress ng House Bill No. 3413 o Anti-Political Dynasty Act of 2010.

Kabilang sa mga co-author ng HB No. 3413 ay ang mga kinatawan ng Party-list na sina Rep. Neri Colmenares ng Bayan Muna, Rep. Luzviminda Ilagan at Rep. Emmi de Jesus ng Gabriela, Rep. Rafael Mariano ng Anakpawis, Rep. Raymond Palatino ng Kabataan party-list, at Rep. Antonio Tinio ng ACT Teachers party-list.

Ayon sa nakararami, oligarkiya ang pinag-uugatan ng mga nagaganap na korapsyon sa pamahalaan ng Pilipinas na nagdadala ng kahirapan sa bansa. At sa kabila umano ng pagpasok ng Party-list System noong 11th Congress, nanatili pa ring maraming mga halal na kamag-anak sa ating mga mambabatas.

Sa isinagawang Anti- Political Dynasty Bill: A PTV Special Forum noong Biyernes, ipinaliwanag ng mga eksperto ang kahulugan ng Political Dynasty at ang saklaw na mga panukala ng HB 3413 kung saan sakop nito ang lahat ng mga ihahalal na opisyal ng pamahalaan mula presidente, bise-presidente, senador, kinatawan ng mga distrito at party-list, at mga local government position mula sa gobernador hanggang sa opisyal ng barangay kasama na ang Sangguniang Kabataan.

Ayon kay Atty. JJ Atienza, base sa sinasabi sa konstitusyon ang isang pamilya ay hindi binibigyan ng ekslusibong karapatan na maglikod sa bayan. Pinipigilan lamang umano ng probisyon sa konstitusyon na gawing pamilyang pangkabuhayan ang isang posisyon sa pamahalaan.

Ayon naman kay UP-NCPAG Dean Edna Co, ang Political dynasty ay paulit-ulit na mga apelyidong halal at paulit-ulit na paghahain ng sarili para sa serbisyo ng pamahalaan.

Sa pag-aaral namang ginawa ni political scientist Dante Simbulan ukol sa mga elitistang nasa pulitika sa Pilipinas, mayroon umanong 169 na mga prominenteng pamilya ang nasa listahan mula 1946 hanggang 1963. Ang mga pamilyang ito ay nakapag-paupo sa pwesto ng 584 pampublikong opisyal kasama na ang pitong Pangulo, dalawang Bise-Presidente, 42 Senador, at 147 na mga Kongresista. Kinabibilangan ito ng mga lolo at lola, mag-asawa, in-laws, anak, apo at iba pang mga kamag-anak.

Samantala, sinasabi naman ni Social Analyst Lito David na hindi lahat ng bagay ay dapat idaan sa pagsusulat ng batas, ang mahalaga umano ay respetuhin kung ano yung sinasabi ng etika.

Ayon kay Maj. Wally Querubin, CMO ng 9ID, PA, dapat na walang malisya ang pagsisilbi sa bayan. Hindi lang rin umano nakasalalay sa mga ihahalal na opisyal ang tagumpay ng pamamahala kundi nakasalalay din sa uri ng partisipasyon ng komunidad lalo ng mga botante. Ang dapat na adhikain ay kung ano ang makabubuti para sa nakararami at hindi pansarili lamang. Etika o mabuting karakter pa rin ang susi sa pagtahak sa matuwid na landas.

Hindi naman sinasang-ayunan ni dating Bokal Cherry Diaz ang pagkakaroon ng political dynasty dahilan sa magiging mas makapangyarihan at gahaman lamang umano ang mga maluluklok sa poder. Ang matagal na pagkakaroon ng kapangyarihan ay nakahahadlang sa pag-unlad ng pamahalaang lokal at nasyunal dahilan sa mas nananaig ang personal na hangarin ng mga pulitiko kaysa sa pagsisilbi sa kanilang mga nasasakupan.

Naniniwala naman ang ilan sa mga ordinaryong Sorsoganon na sa pamamagitan ng pagpasa ng nasabing panukala ay mababawasan ang korapsyon sa bansa, huwag lamang umanong magpagamit ang mga bagong uupong opisyal ng pamahalaan sa mga trapong politiko at mga gahaman sa pwesto.

Subalit anuman ang magiging kahihinatnan ng usaping ito, ang kahirapan sa bansa ay mananatili hangga’t hindi isasantabi ng bawat Pilipino ang pagiging makasarili. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment