Tuesday, November 20, 2012

BIR Sorsogon kumpyansang maaabot ang target tax collection para sa taong 2012


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, November 20 (PIA) – Matapos na malampasan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Sorsogon District office ang kanilang target na koleksyon ng buwis mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon, positibo ang BIR Sorsogon na maaabot nila kung di man nila malalampasan ang itinakdang target collection nila para sa taong 2012.

Ayon kay OIC Assistant Revenue District Officer Eutiquio Grajo, sa loob ng siyam na buwan mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon umabot na sa P380,606,000  ang kanilang nakolekta kung saan nalampasan nila ng P37,619,000 o halos sampung porsyento ang kanilang target para sa nasabing panahon ng pangongolekta ng buwis.

Aniya, P91,394,000 na lamang ang kanilang tatrabahuhin bago matapos ang taon upang malikom ang P472,000,000 na collection target ng BIR Sorsogon para sa taong 2012.

Ipinaliwanang din ni Grajo na malaki ang naidagdag sa kanilang koleksyon ng mga withholding tax mula sa government agencies o income tax ng mga empleyado, kasama na rin ang buwis na kinakaltas sa mga binibiling kagamitan ng mga ahensya ng pamahalaan kung kaya mataas ang kanilang compliance.

Dagdag pa ni Grajo na malaking tulong din sa pagpapataas ng kanilang koleksyon ang patuloy nilang kampanya, paalala sa mga tax payers at tax mapping upang matukoy ang halagang dapat na bayaran lalo na ng mga establisimyento.

Sa kabila ng magandang performance ng BIR Sorsogon ay hindi pa rin sila umano tumitigil sa kanilang panawagan sa mga tax payer ng Sorsogon na magbayad ng tamang halaga ng buwis.

Partikular din siyang nanawagan sa mga empleyado ng Department of Education (DepEd) lalo na sa mga guro na i-update nito ang kanilang rekord lalo na yaong malapit nang magsipagretiro at yaong may mga exemption sa buwis nang sa gayon ay makuha din ng BIR ang tamang computation ng buwis na dapat bayaran ng bawat empleyado at maiwasan na rin ang anumang hindi pagkakaunawaan sa panig ng BIR at taxpayer.

Samantala, kumpyansa naman si Grajo na malalampasan nila ang target tax collection na itinakda ng kanilang tanggapan ngayong taon. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment