Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, November 20 (PIA) –
Matapos na malampasan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Sorsogon District
office ang kanilang target na koleksyon ng buwis mula Enero hanggang Setyembre
ngayong taon, positibo ang BIR Sorsogon na maaabot nila kung di man nila
malalampasan ang itinakdang target collection nila para sa taong 2012.
Ayon kay OIC Assistant Revenue District
Officer Eutiquio Grajo, sa loob ng siyam na buwan mula Enero hanggang Setyembre
ngayong taon umabot na sa P380,606,000
ang kanilang nakolekta kung saan nalampasan nila ng P37,619,000 o halos
sampung porsyento ang kanilang target para sa nasabing panahon ng pangongolekta
ng buwis.
Aniya, P91,394,000 na lamang ang kanilang
tatrabahuhin bago matapos ang taon upang malikom ang P472,000,000 na collection
target ng BIR Sorsogon para sa taong 2012.
Ipinaliwanang din ni Grajo na malaki ang
naidagdag sa kanilang koleksyon ng mga withholding tax mula sa government agencies
o income tax ng mga empleyado, kasama na rin ang buwis na kinakaltas sa mga
binibiling kagamitan ng mga ahensya ng pamahalaan kung kaya mataas ang kanilang
compliance.
Dagdag pa ni Grajo na malaking tulong din
sa pagpapataas ng kanilang koleksyon ang patuloy nilang kampanya, paalala sa
mga tax payers at tax mapping upang matukoy ang halagang dapat na bayaran lalo
na ng mga establisimyento.
Sa kabila ng magandang performance ng BIR
Sorsogon ay hindi pa rin sila umano tumitigil sa kanilang panawagan sa mga tax
payer ng Sorsogon na magbayad ng tamang halaga ng buwis.
Partikular din siyang nanawagan sa mga
empleyado ng Department of Education (DepEd) lalo na sa mga guro na i-update
nito ang kanilang rekord lalo na yaong malapit nang magsipagretiro at yaong may
mga exemption sa buwis nang sa gayon ay makuha din ng BIR ang tamang
computation ng buwis na dapat bayaran ng bawat empleyado at maiwasan na rin ang
anumang hindi pagkakaunawaan sa panig ng BIR at taxpayer.
Samantala, kumpyansa naman si Grajo na
malalampasan nila ang target tax collection na itinakda ng kanilang tanggapan
ngayong taon. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment