Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 7 (PIA) –
Inihayag ni National Kiney and Transplant Institute (NKTI) fellow at
nephrologist, Dr. Jose Emmanuel S. Cabildo na nangunguna sa mga sakit na
nagbibigay panganib sa kidney hindi lamang sa bansa kundi maging sa lalawigan
ng Sorsogon ang diabetes, hypertension o high blood at ang pamamaga ng bato.
Walumpung porsyento umano sa mga may sakit
sa bato ay diabetic.
Maging ang pagkakaroon ng salt-overload o
pagkakaroon ng mataas na lebel ng asin sa katawan ang isa rin sa mga
pinag-uugatan ng Urinary Track Infection at hypertension na nagiging dahilan
din upang magkaroon ng sakit sa bato.
Paliwanag niya na dapat na magkaroon ng
tamang suplay ng tubig sa katawan yaong mga wala pang sakit sa bato sa
pamamagitan ng pag-inom ng walo hanggang sampung baso ng tubig araw-araw. Kung
normal umano ang bato o kidney, lahat ng mga sobrang nakain at lason sa katawan
ay ilalabas ng kidney sa pamamagitan ng pag-ihi o pagdumi.
Sa pangkalahatang datos sa bansa, ika-lima
ang Bicol sa may pinakamataas na bilang ng mga pasyenteng dina-dialysis. Nitong
2011 ay umabot na sa 290 ang bilang ng mayroon nang malalang sakit sa bato sa
buong rehiyon ng Bicol at 20 porsyento nito ay galing sa Sorsogon.
Batay naman sa pinakahuling tala ng Sts.
Peter and Paul Hospital Hemodyalisis Center sa Sorsogon, ang Sorsogon City ang
may pinakamataas sa bilang na sampu ng mga pasyenteng sumasailalim sa dialysis
kung saan tatlo nito ay mula sa Bacon District. Sinundan ito ng bayan ng Gubat
na may siyam na pasyente, walo sa Irosin, pito sa Barcelona, parehong lima mula
sa bayan ng Casiguran at Bulusan, kapwa dalawa naman sa Magallanes at Prieto
Diaz habang tig-iisang pasyente naman mula sa mga bayan ng Bulan, Juban at Sta.
Magdalena.
Binigyang-diin ni Cabildo na unhealthy
lifestyle o hindi maayos na paraan ng pamumuhay at kapabayaan pa rin ang
pangunahing dahilan kung bakit kadalasang nasisira ang bato ng isang tao kung
kaya’t dapat na nagkakaroon ng wastong kaalaman ang publiko ukol sa pag-iwas sa
sakit sa bato.
Aniya, ang diabetes at hypertension ay mga
sakit na namamana kung kaya’t mahalagang alam ng isang tao ang kasaysayang
medikal ng kanyang pamilya. Dapat din aniyang sumasailalim sa regular na
pagsusuri ng dugo at ihi minsan sa isang taon ang isang tao upang malaman ang
kondisyon ng kanyang bato at regular ding subaybayan ang blood pressure.
Kunsiderado umanong normal ang 120/80 na blood pressure ng isang tao.
Ayon kay Cabildo, sa kasalukuyan ay walong
mga munisipyo sa buong lalawigan ang nalibot na nila upang magbigay ng mga
impormasyon sa mga residente at matukoy sa maagang panahon ang mga taong
maaring mayroon nang sakit sa bato nang sa gayon ay mabigyan ng kaukulang
medikasyon at maagapan ang posibleng paglala at tuluyang pagkasira ng kanilang
mga bato. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment