Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, November 8 (PIA) – Isa
sa aabangan sa darating na Sosogon Festival ng lungsod ng Sorsogon ngayong
Disyembre ay ang “Bike for Fun” na pangungunahan ng City Environment and
Natural Resources Office (CENRO).
Tinagurian ding “Piridalan Para sa
Kalikasan”, layunin ng aktibidad na magbigay ng kasiyahan sa mga Sorsoganong
mahihilig magbisikleta maging ito man ay gamit nila para sa kanilang
transportasyon o pag-eehersisyo.
Sa isinagawang inisyal na pagpupulong
kahapon mga kinatawan mula sa mga piling departamento at ahensya ng pamahalaan,
pinag-usapan ang ilang mahahalagang detalye tulad ng mga komitibang
tagapagpatupad, rutang pagbibisekletahan, seguridad ng mga lalahok at iba pa
upang maging maayos at matagumpay ang gagawing aktibidad.
Ayon kay presiding officer at co-event head
Tito Fortes, bukas ang “Bike for Fun” sa mga Sorsoganong nakatira sa loob o
labas man ng lungsod ng Sorsogon mula edad 12 pataas.
Dalawang kategorya ang maaaring salihan ng
mga lalahok, ang 40-km at 25-km.
Nilinaw din ni Fortes na ang gagawing “Bike
for Fun” ay hindi karera kundi isang caravan ng kasiyahan gamit ang bisekleta.
Lahat umano ng mga makakatapos ng 40-km at
20-km ay kwalipikadong lumahok sa mga kasiya-siyang mga palaro o “Fun Games”.
Kabilang sa mga larong ito ay ang ‘One-legged Race’, ‘Angkas Mo Baby’, ‘Camote
Mo Baby’, ‘Pahabaan Contest’, ‘Pabaragalan Relay’, ‘Water Fetching Relay’,
Baloon and Bike Relay’, at marami pang iba.
Sa ngayon ay patuloy pa ring hinihikayat
ang mga Sorsoganong nais sumali sa “Bike for Fun” na magparehistro na at
makipag-ugnayan sa numerong 0915-4020067 para sa iba pang mga detalyeng nais
malaman. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment