LUNGSOD NG SORSOGON, November 9 (PIA) –
Isang inspirasyon sa mga magsasaka at benepisyaryo ng reporpma sa agraryo ang
pinagdaanan ng Salvacion Farmer’s Development Cooperative (SAFADECO) na nagbunga
ng pagkakaroon nila ng bago
at mas malaking tanggapan sa Jamoralin St., Polvorista, Sorsogon City.
Ang SAFADECO ay organisasyon ng mga
magsasaka na nagsimula noong 1992 sa isang maliit na grupo ng mga magsasaka at
nag-ambagan ng piso-piso hanggang nakapagpatayo ng isang Sari-sari Store sa
Brgy. Salvacion, Sorsogon City, hanggang sa madiskubre ng isang Development
Facilitator ng Department of Agrarian Refrom (DAR).
Dahilan sa marami sa mga kasapi nito ay
Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs), inirekomenda nito sa grupo na maging
rehistradong kooperatiba kapartner ng DAR para sa pag-asenso.
Simula noon ay naging bahagi na ang
SAFADECO ng mga proyekto ng DAR tulad ng Agrarian Reform Communities’ Project
(ARCP) na pinondohan ng DAR-Asian Development Bank (ADB) at ng Local Government
Unit (LGU).
Ang unti-unti nilang pag-asenso ay nagbunga
ng pagkakaroon nila ng Copra Trading, at ang naitayong Sari-sari Store ay
nadagdagan pa ng mga panindang bigas at feeds para sa mga alagang baboy.
Nito lamang Setyembre ay nakipagkawing ang
DAR sa National Confederation of Cooperatives (NATCCO), isang bilyonaryong
kooperatiba sa buong Pilipinas, upang mapalaki pa ang serbisyong naibibigay ng
mga People’s Organizations (POs) sa mga magsasaka lalo na sa aspetong
pinansiyal.
Apat na POs ang pinagpilian ng NATCCO na gawing
partner nila, isa na dito ang SAFADECO sa mga napili nila. Agad ding ngkaroon
ng pagtanggap ng mga magiging bagong opisyal ng kooperatiba at agad na
sinimulan nito ang pagtatrabaho. Ilang mga barangay ang binisita ng mga opisyal
ng SAFADECO upang magbigay ng Preliminary Membership Education Seminar (PMES)
sa mga interesadong sumapi nang sa gayon ay mabenepisyuhan din ng mga
serbisyong ibinibigay ng SAFADECO.
Kung dati ay apat lang na barangay ang
maaaring sumali sa kooperatibang ito, ngayon ay bukas na rin ito sa buong
lungsod ng Sorsogon at maging sa mga munisipyo ng Castilla at Casiguran.
Matapos pasinayaan kamakailan ang kanilang
bagong tanggapan ay regular na ring nagsasagawa sa loob ng kanilang opisina ng
PMES para sa mga interesadong maging kasapi ng SAFADECO.
Naghayag naman ng paghanga si DAR Sorsogon
Provincial Head Roseller Olayres sa mga opisyal at kasapi ng koperatiba sa
ipinakitatang tatag nito dahilan upang matamo nito ang tagumpay.
Nababagay umano sa kooperatiba ang
pangalang Salvacion na nangangahulugang ‘Tagapagligtas’. “Binibiyayaan kayo
sapagkat tinutulungan ninyo ang inyong kapwa na umasenso,” pahayag pa ni
Olayres. (BARecebido, PIA Sorsogon/DAR)
No comments:
Post a Comment