Wednesday, November 28, 2012

Dialysis Center ng PHO bubuksan bago magtapos ang 2012


Hemodialysis Machine
Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 28 (PIA) – Sa patuloy na pagtaas ng bilang ngayon ng mga tinatamaan ng sakit sa bato at pagsasailalim sa mga pasyente sa hemodialysis, sinisikap ng pamahalaang lalawigan ng Sorsogon na matugunan ang pangangailangan ng mga apektado nito sa pamamagitan ng pagbubukas ng Hemodialysis Center sa Provincial Hospital.

Sa tala ng Philippine Renal Disease Registry noong 2011, 290 ang bilang ng mayroong malalang sakit sa bato at dinadialysis na sa buong rehiyon ng Bicol, 20 porsyento nito ay galing sa Sorsogon.

Sa pinakahuling tala naman ng Sts. Peter and Paul Hospital (Pepau) ngayong taon, umaabot sa 54 ang bilang ng mga pasyenteng sumasailalim sa hemodialysis sa Sorsogon, hindi pa kasama dito ang bilang mula sa Sorsogon Medical Mission Group Hospital (MMG).

Kaugnay nito, tiniyak ni Provincial Health Officer Dr. Edgar Garcia na magiging operational na ang Hemodialysis Center sa loob ng Dr. Fernando Duran Sr. Memorial Hospital o mas kilala sa tawag na Sosogon. Provincial Hospital sa darating na buwan ng Disyembre.

Sa pagsisimula ng operasyon ng nasabing Hemodialysis Center tatlong hemodialysis machine ang gagamitin at pagsisiskapan pa ng lokal na pamahalaan na makabili pa ng mga karagdagang yunit.

Inamin din ng doktor na lubhang mabigat para sa isang pamilya na tustusan ang pangangailangan ng mga pasyenteng itinatakbo sa mga pribadong ospital upang sumasailalim sa dialysis lalo pa’t kinakailangang gumastos ng isang pasyente ng halos ay P3,000 hanggang P5,0000 sa bawat sesyon ng dialysis. Ang isang pasyente ay maaaring isailalim sa tatlo hanggang dalawang sesyon bawat linggo depende sa kondisyon nito.

Katuwang ng PHO ang ilang mga doktor sa pribadong ospital dito katulad ng mga nephrologist habang ang PHO naman ang siyang mamamahala sa pagpapatakbo ng nasabing Dialysis Center. Kumpleto na rin sa technical staff at iba pang mga kagamitan ang Dialysis Center ng PHO.

Sa kasalukuyan dalawang ospital sa buong lalawigan ang mayroong dialysis center na pawang nasa mga pribadong ospital kung saan anim na dialysis machine ang nasa Pepau habang siyam naman sa MMG. (BARecebido)

No comments:

Post a Comment