Wednesday, November 28, 2012

Sorsogon nakaantabay para sa Sokor Satellite Launching bukas




Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 28 (PIA) – Matapos na matanggap ng Philippine Information Agency (PIA) Sorsogon ang advisory na ipinadala ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) sa pamamagitan ng PIA regional office, agad na ipinakalat ang impormasyon sa mga broadcast media upang maipaabot sa publiko ang “no sailing at no fishing advisory” sa ilang mga lugar dito kaugnay ng gagawing Sokor Sattelite Launching bukas.

Ayon sa Coast Guard Sorsogon District, inactivate nila ngayon ang dating advisory nila noong Oktubre kung kaya’t naka-standby sa kasalukuyan ang kanilang mga detachment sa tatlong lugar sa Sorsogon.

Ayon kay Seaman Verces, sa mga remote area na hindi na maaabot ng kanilang pagsubaybay ay inabisuhan na rin nila ang mga in-charge ng local DRRMC upang mabigyang babala ang mga mangingisda at yaong pumapalaot sa kanilang lugar bago pa man ang itinakdang oras.

Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay hinihintay pa nila ang advisory mula sa kanilang higher command.

Tulad ng Coast Guard Sorsogon, hinihintay din ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office (SPDRMO) ang advisory mula sa kanilang higher counterpart. Subalit nilinaw naman ni SPDRMO Chief Raden Dimaano na nakaantabay na sila at magsasagawa ng mahigpit na pagsubaybay sa mga magiging kaganapan at inalerto na rin nila ang mga Municipal DRRMC na maaaring maapektuhan ng falling debris sakaling maganap na bukas ang nasabing launching. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment