Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 15 (PIA) –
Kidney transplant at hindi dialysis ang lunas sa mga pasyenteng may malalang
sakit sa bato o chronic renal failure.
Ayon kay National Kidney and Transplant
Institute (NKTI) fellow at nephrologist Dr. Edwin Tan, ang pagsasailalim sa mga
pasyente sa dialysis ay temporaryo lamang at ginagawa ito bilang isang paraan
ng paglilinis at pagpapalit ng dugo sa isang pasyenteng tuluyan nang nasira ang
bato gamit ang isang dialysis machine. Ang dialysis machine ang nagsisilbing
kidney ng pasyenteng nasira na ng tuluyan ang dalawang bato na nagiging dahilan
upang manghina o mamatay ang pasyente.
Kadalasang nauuwi sa dialysis ang kaso ng
mga sakit sa bato na hindi naagapan na nagdudulot ng malaking suliranin sa mga
pasyente at kamag-anak nito dahilan sa malaking gastusin at abala sa
pagpapaospital.
Maaring gumastos ng tatlong libo o mahigit
ang isang pasyenteng isinasailalim sa dialysis bawat isang sesyon. Isa o
dalawang sesyon g dialysis ang maaaring kaharapin ng isang pasyente
linggo-linggo depende sa kondisyon nito.
Maari namang gumastos ng ilang daang libo
hanggang milyon ang isang pasyenteng sasailalim sa kidney transplant maliban pa
iro sa mga gastusin sa laboratoryo at gamot.
Subalit hindi rin naman nagpapabaya ang
pamahalaan sa pagtulong sa mga pasyenteng dina-sialysis sapagkat may mga
medication package na rin ngayon ang Philippine
Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa bawat kasaping sasailalim sa
dialysis o kidney transplant.
Sa tala ng Sts. Peter and Paul Hospital, mayroon silang 72
pasyente na sumasailalim sa dialysis mula Diyembre ng 2011 at 25 pasyente naman
sa kasalukuyan dahilan sa Chronic Kidney Disease., 20 sa mga ito ay may
Diabetes Mellitus; 17 ang may Hypertension; 17 ang may pamamanas at 3 naman ang
may Gout.
Sa ngayon ay may dalawang dialysis center
na sa Sorsogon na pawang nasa pribadong ospital. Inaasahan namang magbubukas na
rin ang dialysis center ng Sorsogon Provincial Hospital bago matapos ang taon
ngayon.
Kadalasang
sintomas ng sakit sa kidney ay pananakit ng kaliwa o kanang bahagi ng tyan,
lagnat at panginginig dahil sa sakit, pamamaga, pagtaas ng presyon ng dugo at
pagbabago ng kulay ng ihi. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment