Thursday, November 15, 2012

Kidney transplant at hindi dialysis ang lunas sa chronic renal failure



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 15 (PIA) – Kidney transplant at hindi dialysis ang lunas sa mga pasyenteng may malalang sakit sa bato o chronic renal failure.

Ayon kay National Kidney and Transplant Institute (NKTI) fellow at nephrologist Dr. Edwin Tan, ang pagsasailalim sa mga pasyente sa dialysis ay temporaryo lamang at ginagawa ito bilang isang paraan ng paglilinis at pagpapalit ng dugo sa isang pasyenteng tuluyan nang nasira ang bato gamit ang isang dialysis machine. Ang dialysis machine ang nagsisilbing kidney ng pasyenteng nasira na ng tuluyan ang dalawang bato na nagiging dahilan upang manghina o mamatay ang pasyente.

Kadalasang nauuwi sa dialysis ang kaso ng mga sakit sa bato na hindi naagapan na nagdudulot ng malaking suliranin sa mga pasyente at kamag-anak nito dahilan sa malaking gastusin at abala sa pagpapaospital.

Maaring gumastos ng tatlong libo o mahigit ang isang pasyenteng isinasailalim sa dialysis bawat isang sesyon. Isa o dalawang sesyon g dialysis ang maaaring kaharapin ng isang pasyente linggo-linggo depende sa kondisyon nito.

Maari namang gumastos ng ilang daang libo hanggang milyon ang isang pasyenteng sasailalim sa kidney transplant maliban pa iro sa mga gastusin sa laboratoryo at gamot.

Subalit hindi rin naman nagpapabaya ang pamahalaan sa pagtulong sa mga pasyenteng dina-sialysis sapagkat may mga medication package na rin ngayon ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa bawat kasaping sasailalim sa dialysis o kidney transplant.  

Sa tala ng Sts. Peter and Paul Hospital, mayroon silang 72 pasyente na sumasailalim sa dialysis mula Diyembre ng 2011 at 25 pasyente naman sa kasalukuyan dahilan sa Chronic Kidney Disease., 20 sa mga ito ay may Diabetes Mellitus; 17 ang may Hypertension; 17 ang may pamamanas at 3 naman ang may Gout.

Sa ngayon ay may dalawang dialysis center na sa Sorsogon na pawang nasa pribadong ospital. Inaasahan namang magbubukas na rin ang dialysis center ng Sorsogon Provincial Hospital bago matapos ang taon ngayon.

Kadalasang sintomas ng sakit sa kidney ay pananakit ng kaliwa o kanang bahagi ng tyan, lagnat at panginginig dahil sa sakit, pamamaga, pagtaas ng presyon ng dugo at pagbabago ng kulay ng ihi. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments: