Friday, November 16, 2012

Potensyal ng Pili sa ngalan ng pagnenegosyo, tinututukan ng DTI Sorsogon



clarissa623.wordpress.com

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, November 16 (PIA) – Matapos kilalanin ang lalawigan ng Sorsogon sa may pinakamasarap na pili sa buong mundo at mataas na potensyal nito sa ngalan ng pagnenegosyo, mas na tinututukan sa ngayon ng Department of Trade and Industry (DTI) Sorsogon ang iba’t ibang paraan upang matulungan ang mga magsasaka at maliliit na mga negosyante.

Sa pakikipag-ugnayan ng DTI sa mga lokal na pamahalaan dito, tahasang sinabi ni Provincial Director Leah A. Pagao na malaki ang ambag ng industriya ng Pili sa Sorsogon lalo pa’t ito ang pinakamalaking taga-suplay ng raw materials nito sa kabikolan.

Sinabi din ni Pagao na ang pagkakaroon ng tamang pagproseso ng Pili at ang pagiging malikhain ng mga Sorsoganon upang makagawa ng mga bagong produkto mula sa pili ang nagdala dito upang lalo pang makilala ng mga lokal man na residente o dayuhan.

Isang halimbawa umano nito ay ang Tia Berning Pili Candies na pinaghahandaan na rin ang pag-eexport ng prinosesong Pili sa ibang bansa gaya ng Korea.

Sa kabilang dako, suportado naman ng LGU ng Sorsogon City ang hakbang ng DTI lalo na ng Agriculture at Tourism Office upang mabigyan din ng oportunidad ang mga pili farmers, producer at iba pang stakeholders dito.

Sa pakikipagdayalogo din ng DTI sa mga stakeholders, napagkasunduan ng mga ito na kailangang mabigyan ng kaukulang pansin ang pagbibigay ng tamang tulong pinansyal sa mga pili farmers, pagpaparami ng mga puno ng pili at pagbibigay suporta sa micro-pili food processors.

Napagkasunduan din nila ang pagkakaroon ng Pili Stakeholders Meeting upang maipagpatuloy ang adbokasiya sa pagpapa-unlad ng pili nang sa ganun ay mailatag din ng mga pili farmers kasama na ang iba pang stakeholders ang mga isyu at usapin na may kaugnayan sa kanilang pangangailangan pagdating sa pagnenegosyo at industriya ng pili.

At upang mas maipakilala pa ang pili ng Sorsogon sa labas ng bansa, ipinalabas din sa Living Asia ng tatlong ulit noong Hulyo ngayong taon ang halos ay 10 minutong audo-video presentation na pinamagatang “Meet the Pili”.

Maging sa mga telebisyon sa Amerika ay ipinalabas din ang nasabing audio-video presentation ukol sa pili ng Sorsogon. (BAR/HBinaya, PIA Sorsogon/DTI Sorsogon)

No comments: