Thursday, November 15, 2012

Epektibong programa pangkalusugan ng DOH sa Sorsogon, pinaiigting pa


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, November 15 (PIA) –Mas na pina-iigting pa sa ngayon ng Kagawaran ng Kalusugan sa pakikipagtulungan ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) dito sa lalawigan ng Sorsogon ang mga programang may kinalaman sa pagbibigay ng tama at epektibong programang pangkalusugan sa lahat.

Sa isinagawang Provincial Health Summit dito noong Martes, sinabi ni DOH-Bicol Regional Director Dr. Gloria Balboa na bagamat batid ng pamahalaan na mahihirapan ito sa pag-abot ng Millenium Development Goal (MDG) sa ngayon, lalo na pagdating sa maternal at child health care, naniniwala pa rin sila diumano na kaya pa ring tugunan ang pangangailangang pangkalusugan sa tulong ng mga lokal na pamahalaan.

Malaking bahagi din umano ang paggamit ng performance scorecard upang mabatid kung saan epektibo o mahina ang programa ng isang Local Government Unit (LGU).

Dito sa Sorsogon, binigyang puri ni Balboa ang bayan ng Sta. Magdalena bilang isa sa pinaka-natatanging bayan na nakakuha ng berdeng marka pagdating sa mahusay na pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan.

Ang berdeng marka ay nangangahulugan na namantini nito o mas napaghusay pa ang pagganap sa programang may kaugnayan sa kalusugan.

Upang masukat ang mahusay na pagpapatupad ng programa, gumagamit ang DOH ng Scorecard sa pamamagitan ng tatlong kulay gaya ng berde, dilaw at pula upang matukoy ang lawak o layo ng serbisyo at nang sa ganun ay malaman din ng ahensya kung gaano ka-epektibo ang ipinapatupad na programa.

Dahil dito, muling hiningi ni Balboa ang tulong at pakikiisa ng mga alkalde sa lalawigan sa pagsasakatuparan ng mga programa lalo pa’t layunin nito na matugunan ang pangangailangan ng mga Sorsoganon pagdating sa usaping pangkalusugan. (BARecebido, PIA Sorsogon/HBinaya)



No comments: