Saturday, December 15, 2012

City SWO, ipinamahagi na ang tulong pang-edukasyon sa mga mag-aaral ng SPED


Ni: FB Tumalad

LUNGSOD NG SORSOGON, Disyembre 13 – Pormal nang naipamahagi nitong nakaraang buwan sa 100 mag-aaral ng Special Education (SPED) ng Sorsogon East Central School ang tulong pang-edukasyon na nagkakahalaga ng isanlibong pisong tseke mula sa tanggapan ng Sorsogon City Social Welfare.

Ayon kay Sorsogon City Public Employment Services Office (PESO) head Henry Guemo, personal na iniabot ni City Social Welfare Head Mae Esta at City Mayor Leovic Dioneda sa isang simpleng seremonya sa City Hall ang kabuuang isangdaang libong pisong tseke sa mga batang SPED bilang Educational Assistance.

Matatandaang taon-taon ay tumatanggap ang mga batang ito ng tulong mula sa lokal na pamahalaan ng lungsod ng Sorsogon sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Leovic R. Dioneda.

Maliban sa tulong pinansyal, dalawang SPED pupil din ang nakatanggap ng libreng Starter Kit bilang tulong pangkabuhayan mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa tulong naman ng Sorsogon City Public Employment Services Office (PESO).

Lubos din ang pagtanaw ng malaking pasasalamat ng mga magulang sa suporta ng lokal na pamahalaan at mga ahensya sa mga Persons With Disabilities (PWDs). Anila, sa kabila aniya ng kakulangang pisikal ng kanilang mga anak ay binibigyan pa rin ito ng pag-asa at prayoridad ng gobyerno. (FB Tumalad, PIA Sorsogon)





No comments:

Post a Comment