Saturday, December 15, 2012

Seal of Barangay Good Housekeeping igagawad ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas – Sorsogon chapter

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Disyembre 14 (PIA) – Anim mula sa labing-apat na mga munisipyo sa Sorsogon ang nominado para sa Seal of Barangay Good Housekeeping, masusing pinili at gagawaran ng pagkilala ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas – Sorsogon chapter.

Ayon kay Liga ng mga Barangay Sorsogon Provincial Federation president Neson Marana, dumaan sa masusing proseso ang mga ito bago tuluyang mapili ng mga hurado at makuha ang nasabing parangal. Marso ngayong taon nang simulan nila ang Roll-Out o pagsumite ng mga application form para sa preliminary screening at pre-validation.

Abril hanggang Oktubre ay isinagawa naman ang Assessment at Validation ng mga nagsumite ng kanilang application forms sa municipal at provincial level.  Limang mga barangay at isang Muniicipal Liga Chapter mula sa dalawang distrito ng Sorsogon ang pipiliing makakuha ng seal of Brgy Good Housekeeping.

Ang pinal na bahagi ay ang paggawad ng nasabing parangal sa mapipiling barangay, isa sa unang distrito at isa naman sa ikalawang distrito ng Sorsogon.

Upang maging kwalipikado sa nasabing pagkilala, lahat ng mga barangay at Liga municipal chapter ay isasailalim sa good housekeeping evaluation at dapat na makapakita ng mga dokumento sa mga sumusunod na key area: planning, budgeting, revenue collection, financial management at tamang paggamit ng budget, procurement at resource mobilization.

Ang Seal of Barangay Good Housekeeping ay bahagi ng pagsisikap ng kanilang samahan na matulungan ang mga kasaping chapter nito upang makamit ang pag-unlad at gawing epektibong katuwang ang mga barangay sa pag-abot ng layuning pangkaunlaran ng pamahalaang nasyunal at maayos ang mga nakaugalian na ng mga barangay pagdating sa lokal na pamamahala.

Samantala, maliban sa paggawad ng Seal of Brgy Good Housekeeping, pipili din ng ng Outstanding Brgy Captain at Brgy Kagawad.

Ayon kay Marana, sampung Outstanding Brgy Captain mula sa 541 mga barangay sa lalawigan at apat na Outstanding Brgy Kagawad naman ang gagawaran ng nasabing mga parangal.

Kabilang sa mga criteria ay ang attendance sa mga sesyon at pulong ng barangay, mga naipasang ordinansa, partisipasyon sa mga programa ng pamahalaan at iba pang mga natatanging nagawa sa kanilang barangay.

Ayon kay Marana, ginawa nila ang hakbang na ito ng pagkilala sa mga natatanging bayan at mga opisyal ng barangay upang mapataas pa ang moral ng mga ito at gawin nila ang mga trabahong nakaatang sa kanila para sa ikauunlad ng kanilang mga lugar at mga naninirahan dito. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment