Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 3 (PIA) – Magiging
maginhawa na ngayon ang mga motoristang dumadaan sa kalsadang patungong
Irosin-San Roque-Bulusan Lake makaraang ihayag ni Department of Pulic Works and
Highways Sorsogon 2nd District Engineering Office (DPWH-S2 DEO)
District Engineer Juanito Alamar na tapos na ang ginawang rehabilitasyon nito.
Matatandaang makailang ulit na ring
inirereklamo ng mga motorista maging ng mga dumadayong turista ang baku-bakong
kalsada dito kung kaya’t ibinilang ito sa mga prayoridad na proyekto ng DPWH
ngayong taon.
Ayon kay Alamar, Setyembre 17, 2012 nang
tuluyang matapos ang proyekto na pinondohan ng P35,902,000.00 sa ilalim ng DPWH
Regular Program para sa kasalukuyang taon.
Dagdag pa ni Alamar na mahalaga ang
pagkakagawa ng kalsadang ito para sa mga residente ng bayan ng Irosin, Bulusan,
Barcelona at Gubat sapagkat ito ang pangunahing kalsadang nagdudugtong sa nasabing
mga bayan. Dito rin dumadaan ang mga magsasakang nais dalhin ang kanilang
produkto sa bisinidad ng mga nabanggit na bayang ito.
Malaki din umano ang naging pasasalamat ng
mga residente at opisyal ng Barangay San Roque lalo pa’t ito ang pinakamalapit
na barangay sa mga establisimyento at tanggapan ng pamahalaan ng mga bayan ng
Bulusan at Irosin.
Maging ang mga turistang dumadayo dito
patungo sa Bulusan Lake at Bulusan Lake Natural Park ay hindi na rin umano
magrereklamo at makagiginhawa na sa kanilang pagbibyahe.
Makikinabang
sa kalsada ang mahigit 10 mga barangay sa apat na mga bayang ito kung saan dumadaan
ang karamihang mga residente papunta sa paaralan, trabaho at yaong mga
magdadala ng mga produktong agrikultural papunta sa pamilihang bayan.
(BARecebido, PIA Sorsogon/HDeri, DPWHS2DEO)
No comments:
Post a Comment