Monday, December 3, 2012

SPDRMO nagsagawa ng media briefing



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Disyembre 3 (PIA) – Ipinatawag ngayon ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office (SPDRMO) ang mga kasapi ng lokal na media sa Sorsoogn para sa isang media briefing kaugnay ng ginagawang paghahanda ng lalawigan ng Sorsogon sa pagdating ng bagyong “Pablo”.

Ayon kay SPDRMO Chief Raden Dimaano, mahalagang may iisang impormasyong inilalahad sa publiko ang media nang sa gayon ay hindi ito magdulot ng panic at kalituhan sa kanila.

Iprinisinta niya ang ilang mga mapang nagpapakita ng daang tatahakin ng bagyo at ipinaliwanag din niya ang magiging epekto nito sa Sorsogon.

Aniya, walang signal ng bagyong itinaas sa Sorsogon at hindi ito direktang maaapektuhan ni bagyong “Pablo” subalit dahilan sa malawak ang sakop nito, hindi nila isinasantabi ang pag-uulang dadalhin nito na maaaring magdulot ng mga pagbaha at pag-agos ng lahar lalo na doon sa limang munisipyo sa palibot ng Mt. Bulusan, ang Irosin, Bulusan, Juban, Casiguran at Barcelona.

Aniya, nasa 149, 924 na mga residente ang maaaring maapektuhan sakaling magkaroon ng malakas na pag-agos ng lahar.

Namahagi din ang SPDRMO ng mga babalang pangkaligtasan at ilan pang mga babasahing makatutulong sa pagtalakay ng media para sa kahandaan ng publiko. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment