Friday, March 9, 2012

House Bill 00744 suportado ni DENR Sec. Paje

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Marso 9 (PIA) – Suportado ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Ramon Paje ang House Bill 00744 na sa kasalukuyan ay nasa kongreso na. Ang HB 00744 na isinusulong ni Kinatawan Jane Tan Castro ng Capiz ay nagnanais na gawing heinous crime o patawan ng capital punishment ang ilegal na pagtotroso.

Ayon kay Sec. Paje, hiniling niya sa mga mambabatas ang pagpasa ng HB 00744 na magpapataw sa ilegal na pagtotroso bilang mabigat na krimen nang sa gayon ay maiwasan na ang mga kaso ng pagpatay sa mga tagapangalaga ng kagubatan.

Matatandaang pinatay ang isang DENR tree marker sa Agusan del Sur at nilusob sa kanyang bahay ang isang forestry specialist sa Cagayan na pawang nagpatupad lamang ng kanilang trabaho laban sa mga ilegal na magtotroso nito lamang Pebrero 2012.

Kaugnay nito ay ipinag-utos ni Pangulong Aquino sa DENR, Departement of Interior and Local Government (DILG), Department of National Defense (DND), Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mas mahigpit na kampanya laban sa ilegal na pagtotroso kasama na ang pagbibigay proteksyon sa mga tagapagpatupad ng batas at tagapangalaga ng kagubatan.

Ipinaliwanag din ni Paje na kung ang nagtutulak ng droga at nagsasabotahe ng ekonomiya ay pinapatawan ng mabigat na penalidad, dapat lang din umanong patawan din ng kahalintiulad na parusa ang mga ilegal na nagtotroso sapagkat katumbas ng mga kahoy na ilegal nilang pinuputol ay nagdudulot ng pagkasira hindi lamang ng iisang buhay kundi buhay ng pamilya at komunidad. (RMendones, DENR/BARecebido, PIA Sorsogon)




Mga nakumpiskang kahoy mula sa ‘second growth forest’ magiging pag-aari na ng pamahalaan


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Marso 9 (PIA) – Inihayag ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Ramon Paje na simula noong unang araw ng Marso 2012, ipinatupad na nila ang bagong patakaran na ang lahat ng mga troso, tabla at kahoy na nakumpiska at napag-alamang mula sa natural o second growth forest ng bansa  ay magiging pag-aari na ng pamahalaan.

Aniya, ibibigay ang mga nakumpiskang kahoy sa Department of Education (DepEd) upang gawing mga upuan at mesa nang sa gayon ay mapakinabangan sa mga paaralan.

Sinabi din ni Paje na binigyan na nila ng deadline noong ika-28 ng Pebrero, 2012 ang mga kumpanyang may kaugnayan sa pagtotroso o timber firms  upang maibyahe na ang lahat ng mga na-imbentaryong produktong kahoy mula sa natural o second growth forest alinsunod sa itinatakda ng Resolution No. 6 ng National Anti-Illegal Logging Task Force (NAILTF).

Binigyan din ng siyamnapung araw na palugit ang mga timber licensees mula noong ika-28 ng Nobyembre 2011 hanggang ika-28 ng Pebrero ngayong taon upang maibyahe na ang mga troso sa kundisyong nakapagbayad na sila ng kaukulang singil sa paggamit ng mga rekursos mula sa kagubatan bago ang ika-21 ng Mayo noong nakaraang taon.

Samantala, inihayag din ni Paje na kabilang na rin sa hukbo ng National Anti-Illegal Logging Task Force ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang magbigay seguridad, at mga opisyal ng Forestry at legal division ng DENR at Department of Justice (DOJ) upang magbigay naman ng teknikal at legal na kapasidad sa NAILTF. (Ruby Mendones, DENR/PIA Sorsogon)


Thursday, March 8, 2012

DAR Secretary bisita ngayon sa Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Marso 8 (PIA) – Bisita ngayon dito sa lalawigan ng Sorsogon si Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Virgilio de los Reyes kasama ng iba pang mga matatas na opisyal ng DAR sa rehiyon ng Bikol.

Ayon kay Provincial Agrarian Reform Officer II Roseller Olayres, pinakapangunahing dahilan ng pagbisita ng kalihim sa Sorsogon ay upang tingnan ang implementasyon ng mga programa ng DAR partikular ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at implementasyon ng bago nilang pamamaran sa pagtukoy sa mahahalagang datos at lokasyon ng mga benepisyaryo ng Agrarian Reform mula sa mga munisipyo patungo sa DAR central office o ang Profiling of One Million Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa ilalim ng ARB Online Database System.

Mula Legazpi Airport ay dumiretso ang Kalihim sa Rizal Beach sa bayan ng Gubat, Sorsogon upang magbigay mensahe sa isinasagawang tatlong araw na aktibidad doon ng DAR Sorsogon kung saan ipapaliwanag niya ang mga programa ng pamahalaang nasyunal kaugnay ng pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Panauhing pandangal din si Secretary de los Reyes sa gagawing pasinaya at turn-over ceremony ng Agrarian Reform Community Project 2 (ARCP2) Multi-purpose Building ngayong araw sa Trece martires sa bayan ng Casiguran, Sorsogon.

Nakatakda ring makipagdayalogo ngayon ang kalihim sa iba’t-ibang mga grupo ng mga magsasakang benepisyaryo ng Agrarian Reform at sa mga opisyal ng pamahalaan ng Sorsogon. (BARecebido, PIA Sorsogon)
The Multi-purpose Building in Brgy. Trece Martirez, Casiguran, Sorsogon under ARCP2.(DAR/PIA Sorsogon)

PGADC, CVO, City BFP magsasagawa ng magkakahiwalay na mga aktibidad ngayong araw

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Marso 8 (PIA) – Matapos na maging abala ang mga debotong katoliko kahapon kaugnay ng pagdating ng relikya ni Santa Clara ng Assisi, abala naman ngayon ang mga organisasyon ng kababaihan sa lalawigan at ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Sorsogon sa pangunguna ng City Veterinary Office at Bureau of Fire Protection.

Sa panig ng mga kababaihan, pinangungunahan ng bawat Municipal Gender Advocacy and Development Council (MGADC) ang mga aktibidad para sa pagdiriwang ngayong araw ng International Women’s Day.

Kabilang sa mga aktibidad ay ang pagtalakay sa mga batas na pumuprotekta sa mga kababaihan sa lokal na istasyon ng radyo dito at pagsagawa ng Inter-Municipal Dialogue partikular sa bayan ng Casiguran kung saan bibigyang diin sa talakayan ang papel na ginagampanan ng mga kababaihan sa pagbawas ng mga epekto at panganib dala ng Climate Change at kung papaanong gamitin ng tama ang social networking gamit ang mga modernong gadyet tulad ng computer at cellphone, lalo sa mga panahong may kalamidad at sa pagpapaiigting ng kahandaan bago pa man dumating ang kalamidad o sakuna.

Matatandaang idineklara ng United Nations ang Marso 8 bilang International Women’s Day upang magbigay pugay sa kontribusyon ng mga kababaihan sa pamilya, sa lipunan at sa buong mundo hbang sa Pilipinas naman ay ipinagdiriwang ang Araw ng Karapatan ng mga Kababaihan at Araw ng Pang-internasyunal na Kapayapaan tuwing ika-8 ng Marso sa bisa ng Proclamation No. 224 na nilagdaan noong Marso 1, 1988. Deklarado din ang petsang Marso 8 bawat taon bilang working special holiday na tatawaging Pambansang Araw ng mga Kababaihan sa ilalim ng Republic Act 6949 na nilagdaan noong ika-10 ng Abril, 1990. Ang nasabing mga batas ay pawang nilagdaan ni dating Pangulong Corazon C. Aquino.

Samantala, abala din ang Sorsogon City Veterinary Office sa kanilang “Love Dog Day” activity bilang bahagi ng Rabies Awareness Month observance ngayong buwan ng Marso sa pakikipagkawing sa Provincial Veterinary Office at mga beterinaryo galing sa Department of Agriculture region 5, kung saan isasagawa din nila ang mga aktibidad ngayon upang mapangalagaan ang mga ‘pet dogs’ at maiiwas ito sa pagkakaroon ng rabis tulad ng libreng pagbabakuna, nail at hair trimming, castration, spaying at iba pang mga serbisyong kailangan ng mga alagang aso.

Sa panig naman ng Bureau of Fire Protection Sorsogon City Central Fire Station ay nagsasagawa din ngayong araw ng fire safety inspection sa ilang mga paaralan sa lungsod at feeding program sa komunidad ng Gawad Kalinga sa Brgy. Guinlajon. Ayon kay FO3 Dante Ditan, katuwang ang Philippine National Police, boluntaryong nagbigay ng kani-kanilang mga kontribusyon ang mga tauhan ng BFP Sorsogon City upang mapakain ang isangdaang residente ng GK village. Bago ang aktwal na feeding activity ay magsasagawa sila ng fire prevention seminar at iba pang mga safety tips sa panahong may sunog at lindol at mga dapat gawin matapos ang mga pangyayaring tulad nito. Mag-iiwan din sila umano ng mga safety tips flyers at leaflets upang hindi makalimutan ng mga residente ang itinuro nila. (BARecebido, PIA Sorsogon)




Law Enforcement Training para sa Bantay Dagat ng Castilla magtatapos ngayon

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Marso 8 (PIA) – Opisyal na magtatapos ngayon ang tatlong araw na Law Enforcement Training para sa lahat ng mga kasapi ng Bantay Dagat sa Isla ng Malawmawan, bayan ng Castilla, Sorsogon.

Sa pahayag ni Agricultural Technician II at Fish Expert Nasser Bataller ng Fishery Section ng Office of the Provincial Agriculture (OPAg), tatlumpu’t-limang mga kasapi ng Bantay Dagat mula sa mga kostal na barangay ng Castilla at Brgy. Fisheries and Aquatic Resources Management Council (BFARMC) ang aktibong lumahok sa ginawang pagsasanay.

Ayon kay Bataller, mismong si Castilla Mayor Olive Bermillo ang humiling sa kanila na magsagawa ng Law Enforcement Training bilang bahagi ng pagpapaigting pa ng alkalde ng kanilang kampanya laban sa mga ilegal na aktibidad sa karagatan sa pamamagitan ng pagdagdag pa sa kaaalaman ng mga kasapi ng Bantay Dagat partikular sa pagbibigay proteksyon ng mga ito sa isla ng Malawmawan na deklaradong fish sanctuary ng Castilla.

Naging mga panauhing tagapagsalita ang sampung mga kinatawan mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Regional Office 5. (LM/BARecebido, PIA Sorsogon)



Wednesday, March 7, 2012

PCCE Nagbisita sa PNP Regional Director kan Bikol

  
(Photo: PO2 Mike Espena, SPPO/PIA Sorsogon)
 
Sorsogon Police Provincial Office – Naging maogma ang pagbisita kan Provincial Council of Community Elders (PCCE) kay REGIONAL DIRECTOR POLICE CHIEF SUPERINTENDENT JOSE ARNE MIRABEL DELOS SANTOS, an pamayo kan PNP sa rehiyon Bikol kasubag-ong aga, Marso 5, 2012 sa Camp Simeon A Ola, Legazpi City.

Ang PCCE pinamamayohan ni dating Mayor kan Sorsogon na si Fernando O. Duran Jr. kun saen ang grupong ini asosasyon nin mga indibidwal na pigrerespeto bilang mga eksperiyensiyadong tawo anoman an saindang naging katongdan.

Maguiguiromdoman na ang Provincial Community Council of Community Elders inorganisar ni Regional Director Delos Santos kan siya pa ang Provincial Director digdi sa probinsiya nin Sorsogon kan taon 2002.

Ang PCCE kumpwesto kan mga manlaenlaen na Municipal Council of Community Elders sa bilog na probinsiya nin Sorsogon. Sinda ang nagiging adviser kan mga pulis siring man sinda ang nagiging paagi para mas maparani asin makakua nin suporta ang kapulisan sa komunidad.

Tinaw-an man nin Plaque of Appreciation ni PCCE Chairman Fernando B Duran Jr. si Regional Director Delos Santos bilang pasasalamat kan grupo dahilan sa pagkakamukna niya kaini.

Kairiba man sa pagbisita si PROVINCIAL DIRECTOR POLICE SENIOR SUPERINTENDENT JOHN CA JAMBORA, PSI ROMEO M GALLINERA asin ang mga miyembros kan PCCE.  (Reference: PSI RMGallinera, PCR/PIO/ PIA Sorsogon)

(Photo: PO2 Mike Espena, SPPO/PIA Sorsogon)  
(Photo: PO2 Mike Espena, SPPO/PIA Sorsogon)