Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, April 27 (PIA) –
Opisyal nang sinimulan ng Department of Environment and Natural Resources
(DENR) Bicol ang pagtanggap ng mga nominasyon para sa prestihiyosong Saringaya
Award ngayong taon.
Ayon kay DENR Public Relations Officer Ruby
Mendones, ang Saringaya Award ay nasa ika-labing dalawang taon na ngayon at ito
ay bukas para sa mga industriya, non-government organization (NGO), People’s
Organization (PO), Local Government Unit (LGU), asosasyon, ahensya ng
pamahalaan, academe at iba pang mga grupo sa buong rehiyon ng Bikol na
sumusuporta sa mga programa ng DENR Bicol at nagpapatupad ng mga programang may
layuning mapangalagaan, proteksyunan at mapanatili ang kaligtasan ng
kapaligiran.
Una nang nagpalabas ng kautusan si DENR
Regional Executive Director Joselin Marcus Fragada sa mga sangay o yunit ng
ahensya tulad ng mga Line Bureau, sectoral service, Provincial ENR Office, at
mga Community ENR Office na pag-aralan ang mga kaukulang nominasyon sa gagawing
patimpalak alinsunod sa kani-kanilang mga hurisdiksyon.
Ang Saringaya ay isang katawagang Bikolnon
na ang ibig sabihin ay pagtubo, pag-unlad at pagkakaroon ng maayos at magandang
kapaligiran na may mga berdeng punong-kahoy at kabundukan kung saan maaaring
mabuhay ang mga bio-diversity at nasa balanseng eco-system.
Ang Saringaya Award ay ginagawa tuwing
buwan ng Hunyo sa pagdiriwang ng Environment Month, at ang mga mananalo ay
makakatanggap ng plake at sertipiko. (BARecebido, PIA Sorsogon)