Friday, April 27, 2012

Saringaya Award ng DENR Bicol bukas na para sa mga nominado

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, April 27 (PIA) – Opisyal nang sinimulan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Bicol ang pagtanggap ng mga nominasyon para sa prestihiyosong Saringaya Award ngayong taon.

Ayon kay DENR Public Relations Officer Ruby Mendones, ang Saringaya Award ay nasa ika-labing dalawang taon na ngayon at ito ay bukas para sa mga industriya, non-government organization (NGO), People’s Organization (PO), Local Government Unit (LGU), asosasyon, ahensya ng pamahalaan, academe at iba pang mga grupo sa buong rehiyon ng Bikol na sumusuporta sa mga programa ng DENR Bicol at nagpapatupad ng mga programang may layuning mapangalagaan, proteksyunan at mapanatili ang kaligtasan ng kapaligiran.

Una nang nagpalabas ng kautusan si DENR Regional Executive Director Joselin Marcus Fragada sa mga sangay o yunit ng ahensya tulad ng mga Line Bureau, sectoral service, Provincial ENR Office, at mga Community ENR Office na pag-aralan ang mga kaukulang nominasyon sa gagawing patimpalak alinsunod sa kani-kanilang mga hurisdiksyon.

Ang Saringaya ay isang katawagang Bikolnon na ang ibig sabihin ay pagtubo, pag-unlad at pagkakaroon ng maayos at magandang kapaligiran na may mga berdeng punong-kahoy at kabundukan kung saan maaaring mabuhay ang mga bio-diversity at nasa balanseng eco-system.

Ang Saringaya Award ay ginagawa tuwing buwan ng Hunyo sa pagdiriwang ng Environment Month, at ang mga mananalo ay makakatanggap ng plake at sertipiko. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment