Friday, April 27, 2012

33 kabahayan biktima ng sunog sa Sorsogon City


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, April 27 (PIA) – Tatlumpu’t tatlong mga kabahayan ang naapektuhan kung saan dalawampu’t tatlo ang konsideradong totally damage at sampu ang partially damage matapos ang naganap na sunog kahapon sa Barangay Sirangan, Sorsogon City.

Ayon kay BFP Sorsogon City Fire Marshall SInsp Walter Marcial, 11:15 ng umaga nang magsimula ang sunog na umabot din sa second alarm, pasado ala-una na ng hapon nang ideklarang fire out ito.

Agad namang rumisponde ang mga bumbero mula sa City Central Fire Station, Bacon at Abuyog City Sub-Fire Stations, Gubat at Juban Fire Stations at Filipino-Chinese Volunteer Fire Brigade. Agad ring nakiisa ang Sorsogon City Police sa pangunguna mismo ni City Police Chief PSupt Edgardo Ardales upang maging maayos ang daloy ng trapiko at agad na makapasok ang mga nagrespondeng bumbero. Dumating din sa lugar si Sorsogon Governor Raul R. Lee upang personal na makita ang sitwasyon.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, nagsimula umano ang sunog sa bahay ng isang kinilalang si Diosdado Paloyo matapos na mag-overheat ang kawad ng kuryente na agad na kumalat dahilan sa gawa sa light materials ang mga kabahayan doon.

Sa kabila ng nangyari, nagpasalamat pa rin si Marcial sa naging pagkakaisa at bayanihan ng mga residente kung saan nag-bucket relay ang mga ito dahilan upang hindi na lumawak pa ang saklaw ng sunog.

Ayon naman kay Sirangan Brgy. Captain Jun Jamisola, patuloy sa ngayon ang kanilang koordinasyon sa mga ahensya ng pamahalaan upang matulungan ang mga biktima ng sunog. Sa ginawang emergency session ng Brgy, Council ng Sirangan, nagpasa na sila ng resoulusyon na magsasaailalim sa state of calamity ng ilang bahagi ng Delgado St. ng Brgy. Sirangan kung saan layunin nitong makapagpalabas kaagad ng pondo upang matulungan ang mga biktima.

Sa kasalukuyan ay pansamantalang nananatili ang mga nabiktima sa ilang mga kamag-anak, sa Brgy Hall ng Sirangan habang ang iba naman ay bumalik sa lugar at nagtayo ng mga kubo habang isinasaproseso pa ang pagtulong upang muling makabangon ang mga ito. Ibabalik din nila umano ang Bayanihan System sa kanilang barangay upang tulungang makapagtayong muli ng kanilang bahay ang mga nabiktima.

Muli namang nagpaalala ang BFP sa publiko na pag-ibayuhin ang pag-iingat laban sa sunog lalo ngayong napakainit ng panahon. (BARecebido)
(View of a portion of Brgy. Sirangan as the fire razed some 33 residents./Photo courtesy of DZMZ-AM Sorsogon:)
 
(Photos courtesy of DZMS-AM, Sorsogon showing the bayanihan spirit of Brgy. Sirangan residents)

No comments:

Post a Comment