Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, April 27 (PIA) –
Tatlumpu’t tatlong mga kabahayan ang naapektuhan kung saan dalawampu’t tatlo
ang konsideradong totally damage at sampu ang partially damage matapos ang
naganap na sunog kahapon sa Barangay Sirangan, Sorsogon City.
Ayon kay BFP Sorsogon City Fire Marshall
SInsp Walter Marcial, 11:15 ng umaga nang magsimula ang sunog na umabot din sa
second alarm, pasado ala-una na ng hapon nang ideklarang fire out ito.
Agad namang rumisponde ang mga bumbero mula
sa City Central Fire Station, Bacon at Abuyog City Sub-Fire Stations, Gubat at
Juban Fire Stations at Filipino-Chinese Volunteer Fire Brigade. Agad ring
nakiisa ang Sorsogon City Police sa pangunguna mismo ni City Police Chief PSupt
Edgardo Ardales upang maging maayos ang daloy ng trapiko at agad na makapasok
ang mga nagrespondeng bumbero. Dumating din sa lugar si Sorsogon Governor Raul
R. Lee upang personal na makita ang sitwasyon.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of
Fire Protection, nagsimula umano ang sunog sa bahay ng isang kinilalang si
Diosdado Paloyo matapos na mag-overheat ang kawad ng kuryente na agad na
kumalat dahilan sa gawa sa light materials ang mga kabahayan doon.
Sa kabila ng nangyari, nagpasalamat pa rin
si Marcial sa naging pagkakaisa at bayanihan ng mga residente kung saan
nag-bucket relay ang mga ito dahilan upang hindi na lumawak pa ang saklaw ng
sunog.
Ayon naman kay Sirangan Brgy. Captain Jun
Jamisola, patuloy sa ngayon ang kanilang koordinasyon sa mga ahensya ng
pamahalaan upang matulungan ang mga biktima ng sunog. Sa ginawang emergency
session ng Brgy, Council ng Sirangan, nagpasa na sila ng resoulusyon na
magsasaailalim sa state of calamity ng ilang bahagi ng Delgado St. ng Brgy.
Sirangan kung saan layunin nitong makapagpalabas kaagad ng pondo upang
matulungan ang mga biktima.
Sa kasalukuyan ay pansamantalang nananatili
ang mga nabiktima sa ilang mga kamag-anak, sa Brgy Hall ng Sirangan habang ang
iba naman ay bumalik sa lugar at nagtayo ng mga kubo habang isinasaproseso pa
ang pagtulong upang muling makabangon ang mga ito. Ibabalik din nila umano ang
Bayanihan System sa kanilang barangay upang tulungang makapagtayong muli ng
kanilang bahay ang mga nabiktima.
Muli namang nagpaalala ang BFP sa publiko
na pag-ibayuhin ang pag-iingat laban sa sunog lalo ngayong napakainit ng
panahon. (BARecebido)
(View of a portion of Brgy. Sirangan as the fire razed some 33 residents./Photo courtesy of DZMZ-AM Sorsogon:) |
(Photos courtesy of DZMS-AM, Sorsogon showing the bayanihan spirit of Brgy. Sirangan residents) |
No comments:
Post a Comment