Tuesday, April 24, 2012

Mga bata sinasanay sa paglalangoy bilang bahagi ng Safety Services ng PRC Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, April 24 (PIA) – Maliban sa Summer Safety Institute na isinasagawa ng Philippine Red Cross (PRC) Sorsogon para sa mga interesadong matuto ng mga hakbang pangkaligtasan ay nakatakda ring magsagawa ito ng Summer Beginner’s Swimming Course.

Ayon kay PRC Sorsogon Chapter Manager Salvacion Abotanatin, sisimulan sa darating na ika-7 ng Mayo ngayong taon ang Summer Beginner’s Swimming Course na magtatagal hanggang sa ika-25 ng Mayo. Ang mga lalahok ay hahatiin sa siyam na grupo o batch.

Aniya, bukas ito para sa mga batang edad tatlo pataas at dalawang araw ang nakatakdang sesyon para sa bawat kalahok.

Ayon pa kay Abotanatin, maliban sa pagkatuto ng mga hakbang pangkaligtasan, layunin din ng aktibidad na matulungan ang komunidad na mabawasan ang mga wala sa oras na pagkakamatay o aksidenteng sanhi ng mga sakunang natural o di kaya’y gawa ng tao.

Naniniwala din umano ang PRC na sa murang edad ay dapat nang matuto at mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga bata ukol sa paglalangoy at maisapuso ng mga batang ito ang pagmamahal sa kapwa sa pamamagitan ng pagsagip sa kapwa sa panahon ng pangangailangan.

Kaugnay nito ay patuloy na nanawagan si Abotanatin sa mga Sorsoganon na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan nang sa gayon ay makapagparehistro at sumali sa taunang Summer Beginner’s Swimming Course na ibinibigay ng kanilang tanggapan. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: