Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 17 (PIA) – Libong
mga Sorsoganon na kinabibilangan ng mga mag-aaral, guro, lokal na opisyal ng
pamahalaan, manggagawa at mga residente ang sumalubong sa labi ng Kongresista
ng Unang Distrito ng Sorsogon Salvador “Sonny” Escudero III ngayong umaga.
Alas-syete y medya nang umaga kahapon nang
dumating ang bangkay ng kongresista sakay ng Philippine Airlines sa Paliparan
ng Lungsod ng Legazpi kung saan sinalubong ito ng mga awtoridad, opisyal ng
pamahalaang probinsyal, mga media at ilang mga residente ng Sorsogon na siya na
ring sumama sa convoy mula sa paliparan hanggang sa tahanan nito sa Brgy.
Buhatan, Sorsogon City.
Simula sa pagpasok sa Brgy. Danlog, Pilar,
Sorsogon, ang unang barangay ng lalawigan ng Sorsogon ay nakahilera na sa
kalsada ang mga mag-aaral, mga guro, opisyal ng bayan at barangay at mga
residente hawak ang mga puting banderitas na iwinawagayway habang dumadaan ang
convoy ng labi ni Cong. Escudero.
Ipinagmamalaki ng mga Sorsoganon ang
natatanging kontribusyon, dedikasyon at di-matatawarang pagsisilbi ng
Kongresista na kilala rin sa tawag na “Tatay” hindi lamang sa Sorsogon kundi
maging sa buong bansa.
Sa kabila ng kanyang malubhang karamdaman,
tiniyak pa rin ng kongresista na nagagampanan nito ang kanyang tungkulin kahit
pa nga naka-wheel chair na lamang. Isa si “Tatay” sa mga kongresistang may
malinis na attendance record pagdating sa mga sesyon at pagdinig ng mga komite
sa kongreso.
Maliban sa pagiging kongresista sa unang
distrito ng Sorsogon sa kasalukuyang termino, nagsilbi din ito bilang Kalihim
ng Agrikultura mula 1984 hanggang 1986 at noong 1996 hanggang 1998. Napabilang
din ito sa mga pinagaralan bilang Ten Outstanding Young Men (TOYM) sa larangan
ng Veterinary Medicine noong 1971 at naging director din ng Bureau of Animal
Industry at Deputy Minister.
Si “Tatay” ay ipinanganak noong ika-18 ng
Disyembre, 1942 sa Casiguran, Sorsogon at ikinasal kay Evelina Guevarra, isang
guro, at nabiyayaan ng tatlong anak kung saan isa dito ang ngayon ay bantog na
Senador ng pilipinas, Francis “Chiz” Escudero.
Nagtapos ito ng kursong Veterinary Medicine
noong 1963 sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños, nagtapos ng Masteral at
Doctoral degree in Tropical Veterinary Medicine sa University of Queensland sa
bansang Australia noong 1968 at ng Organization and Management sa University of
the Philippines System noong 1969.
Si “Tatay” na nasa ikalawang termino sa
kasalukuyan ng pagiging kinatawan ng Sorsogon ay naging kinatawan na din noon sa 8th, 9th at 10th Congress of
the Philippines mula 1987 hanggang 1998.
Nagturo din ito at naging dekano ng College
of Veterinary Medicine sa Unibersidad ng Pilipinas mula 1970 hanggang 1984 at
naging Director ng University of the Philippines Veterinary Hospital.
Marami ding mga magsasakang natulungan si
“Tatay” Escudero sa pamamagitan ng kanyang programang agraryo sa radyo.
Naging prayoridad niya sa kanyang
pagsisilbi bilang kongresista ang pagbibigay ng tulong pinansyal, edukasyon,
pangkabuhayan, public works, health care at medical assistance, rural
electrification, suplay sa tubig, irigasyon at panganagalaga sa kakahuyan.
Sa ilalim ng 15th Congress ay nakapag-akda
si “Tatay” Escudero ng 117 na House Bills.
Dalawang araw ang ilalagi ng bangkay ng
kongresista sa Sorsogon upang mabigyan ng pagkakataon ang mga Sorsoganon na
masulyapan at makapagbigay-pugay na rin dito ang kanyang mga kababayan, bago
ito ibalik sa Maynila sa Linggo, Agosto 19, 2012 upang i-cremate. (BARecebido,
PIA Sorsogon)