Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 3 (PIA) – Sa
kabila ng mahigpit na kampanya ng Department of Health (DoH) at maging ng
Provincial Health Office (PHO) dito, hindi pa rin naiwasang makapagtala ng mga nabiktima
ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Maliit lamang ang bilang na ito kung
ikukumpara sa ibang mga lugar sa rehiyon ng Bicol, ngunit ayon sa DOH at PHO,
mas magiging matagumpay ang kanilang kampanya kung tuluyan maaabot ang 'zero
firecracker injury'.
Sa inisyal na ulat na ipinalabas ng PHO,
sinabi ni Provincial Health officer Dr. Edgar Garcia na mula Diyembre 20, 2012
hanggang sa unang araw ng Enero, 2013, umabot sa 22 ang bilang ng mga nabiktima
ng piccolo, 5-star at kwitis.
Ayon sa kanilang tala, pito ang dinala sa
Irosin District Hospital, pito sa Provincial Hospital sa Sorsogon City, apat sa
Pantaleon Gotladera Memorial Hospital sa Bulan, isa sa Sts. Peter and Paul
Hospital sa Sorsogon City, tig-iisa naman sa Gubat District Hospital, Donsol
District Hospital at Vicente Peralta Memorial Hospital sa Cumadcad, Castilla,
Sorsogon.
21 sa mga nabiktima ay pawang mga minor
injury lamang ang natamo kung kaya’t agad ding pinauwi ang mga ito matapos
malapatan ng kaukulang lunas maliban sa isang pitong gulang na batang mula sa
bayan ng Irosin na isinugod sa Sts. Peter and Paul Hospital sa Sorsogon City
nitong Enero uno dahil sa napasukan ng pulbura ng paputok ang mata nito.
Dahilan sa kondisyon nito ay inirekomenda ng mga doktor na dalhin ito sa
Maynila para sa mas mabisang gamutan.
Umaasa naman ang mga awtoridad sa kalusugan
dito na hindi na madadagdagan pa ang bilang ng mga naitalang biktima ng mga
paputok nitong nakalipas na pasko at bagong taon.
Matatapos ang pagbibilang ng mga nabiktima
ng paputok hanggang sa ika-lima ng Enero, 2013. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment