Thursday, January 3, 2013

BFAR pinuri ang residente ng Pilar sa tamang pagpapaabot ng impormasyon sa mga nakukuhang marine mammal




Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 3 (PIA) – Nagpasalamat ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Sorsogon sa pamumuno ni Fishery Officer Gil Ramos sa naging hakbang ng mga residente na sa halip na katayin ang balyenang nakuha sa Pilar, Sorsogon nitong nakaraang linggo ay ipinaabot ito sa mga opisyal ng barangay at mga awtoridad kung kaya’t nagawa din nila ang karapat-dapat na hakbang ukol dito.

Matatandaang sa ulat na ipinaabot ng Philippine National Police (PNP) Sorsogon Provincial Office, bandang alas dyes ng gabi noong Diyembre 30, 2012 nang ipaabot sa Pilar Municipal Police Station ni Bgy. Captain Tomas Guerrero Jr. ng Bgy. San Antonio (Sapa), Pilar, Sorsogon ang ulat na may nakuhang balyena sa karagatan ng kaparehong lugar na umano’y aksidenteng nasilo ng lambat o mas kilala sa tawag na “bunuan”.

Matapos matanggap ang ulat ay agad na pinuntahan ito ng mga tauhan ni Pilar Municipal Police Station Chief PSInsp Jaime Milleza Cano kasama ang tauhan ng Pilar Municipal Agriculture Office Chito Morris at Pilar Tourism Officer Joel Navora.

Doon ay nakuha nila ang wala nang buhay na balyena na may habang humigit-kumulang sa 12 metro, dalawang metro ang lapad at may limang toneladang bigat.

Agad din nila itong ibinigay sa BFAR Sorsogon Provincial Office para sa kaukulang disposisyon.

Ayon naman kay Provincial Veterinarian Dr. Enrique Espiritu ang nakuhang balyena ay isang Giant Sperm Whale na may scientific name na Physeter macrocephalus. Ang ganitong uri ng balyena ang tinguriang pinakamalaki sa mga balyenang may ngipin na kadalasang umaabot sa 18.3 metro kahaba. Ang uring ito ay paminsan o madalas ding makita sa karagatan ng Pilipinas. Ito ay namataan na sa mga karagatan ng Luzon, Visayas, at Mindanao.

Matatandaang nagsagawa na rin ng seminar sa Pilar, Sorsogon ang BFAR kasama ang grupo ni Provincial Veterinarian Dr. Enrique Espiritu noong Mayo 23, 2012 kaugnay ng mga batas sa Pilipinas at International Agreement ukol sa tamang pag-ingat at pangangalaga ng mga marine mammal sa karagatan. Naging kalahok dito ang mga bantay dagat, Fisheries and Aquatic Resources and Management Council (FARMC), lokal na opisyal ng barangay sa Pilar at pribadong mga indibidwal sa hiling na rin ng pamahalaang bayan ng Pilar.

Muli namang nanawagan sa publiko ang BFAR at DENR na patuloy na makiisa sa kanila at suportahan sila sa kanilang kampanya ukol sa tamang pangangalaga ng mga yaman sa karagatan at agad na iulat sa kanila ang anumang mga kaganapang may kaugnayan sa katubigan at pangisdaan. (BARecebido, PIA Sorsogon)



No comments:

Post a Comment