Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 3 (PIA) – Nagpasalamat
ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Sorsogon sa pamumuno ni
Fishery Officer Gil Ramos sa naging hakbang ng mga residente na sa halip na
katayin ang balyenang nakuha sa Pilar, Sorsogon nitong nakaraang linggo ay
ipinaabot ito sa mga opisyal ng barangay at mga awtoridad kung kaya’t nagawa
din nila ang karapat-dapat na hakbang ukol dito.
Matatandaang sa ulat na ipinaabot ng
Philippine National Police (PNP) Sorsogon Provincial Office, bandang alas dyes
ng gabi noong Diyembre 30, 2012 nang ipaabot sa Pilar Municipal Police Station
ni Bgy. Captain Tomas Guerrero Jr. ng Bgy. San Antonio (Sapa), Pilar, Sorsogon
ang ulat na may nakuhang balyena sa karagatan ng kaparehong lugar na umano’y
aksidenteng nasilo ng lambat o mas kilala sa tawag na “bunuan”.
Matapos matanggap ang ulat ay agad na
pinuntahan ito ng mga tauhan ni Pilar Municipal Police Station Chief PSInsp
Jaime Milleza Cano kasama ang tauhan ng Pilar Municipal Agriculture Office
Chito Morris at Pilar Tourism Officer Joel Navora.
Doon ay nakuha nila ang wala nang buhay na
balyena na may habang humigit-kumulang sa 12 metro, dalawang metro ang lapad at
may limang toneladang bigat.
Agad din nila itong ibinigay sa BFAR
Sorsogon Provincial Office para sa kaukulang disposisyon.
Ayon naman kay Provincial Veterinarian Dr.
Enrique Espiritu ang nakuhang balyena ay isang Giant Sperm Whale na may
scientific name na Physeter macrocephalus. Ang ganitong uri ng balyena ang
tinguriang pinakamalaki sa mga balyenang may ngipin na kadalasang umaabot sa
18.3 metro kahaba. Ang uring ito ay paminsan o madalas ding makita sa karagatan
ng Pilipinas. Ito ay namataan na sa mga karagatan ng Luzon, Visayas, at
Mindanao.
Matatandaang nagsagawa na rin ng seminar sa
Pilar, Sorsogon ang BFAR kasama ang grupo ni Provincial Veterinarian Dr.
Enrique Espiritu noong Mayo 23, 2012 kaugnay ng mga batas sa Pilipinas at
International Agreement ukol sa tamang pag-ingat at pangangalaga ng mga marine
mammal sa karagatan. Naging kalahok dito ang mga bantay dagat, Fisheries and
Aquatic Resources and Management Council (FARMC), lokal na opisyal ng barangay
sa Pilar at pribadong mga indibidwal sa hiling na rin ng pamahalaang bayan ng
Pilar.
Muli namang nanawagan sa publiko ang BFAR
at DENR na patuloy na makiisa sa kanila at suportahan sila sa kanilang kampanya
ukol sa tamang pangangalaga ng mga yaman sa karagatan at agad na iulat sa
kanila ang anumang mga kaganapang may kaugnayan sa katubigan at pangisdaan. (BARecebido,
PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment