LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 2 (PIA) – LUNGSOD
NG SORSOGON, Enero 2 (PIA) – Isang jail guard at apat na mga bilanggo ang
sugatan at ginagamot pa rin ngayon sa ospital dito sa Sorsogon matapos
magkaroon ng kaguluhan sa loob ng kulungan, bandang alas-syete ng gabi, Enero
1, 2013.
Sa panayam ng PIA Sorsogon kay OIC -
Provincial Jail Warden PSSupt Rufino Escote, nagkasagutan sina Hilton Fortes ng
Bahala na Gang at Michael Mojinia ng Sputnik Gang na nauwi sa pananaksak ni
Fortes kay Mojinia. Doon na nagsimula ang kaguluhan sa loob ng bilangguan.
Agad namang nag-utos ang mga guwardiya sa
mga inmates na magsibalikan na sa kani-kanilang selda sabay pumuwesto ang mga
ito sa istratehikong lugar upang patigilin ang nag-aaway na mga preso at upang walang
makatakas dito.
Hindi naman inaasahan ni Provincial Jail
Guard Rodolfo Soriano ang pagsulpot ni Fortes at pagsaksak nito sa kanya.
Matapos masaksak si Soriano ay agad na tumakbo si Fortes pabalik ng selda kung
kaya't napilitan si Soriano na paputukan ito.
Naging hudyat ito upang kuyugin si Soriano ng
mga ka-tropa ni Fortes dahilan upang ipagtanggol nito ang kanyang sarili at
paputukan ng kanyang service firearm ang umaatakeng grupo.
Nasa ospital ngayon ang apat na mga preso
na sina Hilton Fortes, Boboy Majarlino at Joel Lipata, kasama ng isa pang inmate
na si Gregorio Factor na hindi kasangkot sa kaguluhan at natutulog lamang nang
mahagip ng ligaw na bala.
Habang si Mojinia na nagtamo ng minor
injury ay agad ding ibinalik sa selda matapos na malapatan ng kaukulang lunas.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang ginagawang
imbestigasyon ng pulisya ukol sa pangyayari habang inihayag naman ni Provincial
Legal Counsel Atty. Antonio Huab na magsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang
Philippine National Police at ang pamahalaang lalawigan ng Sorsogon.
Tiniyak naman ni Escote na kontrolado na
nila ang sitwasyon sa loob ng Provincial Jail.
Samantala, 22 sa kabuuan ang bilang ng mga
gwardya ma nagrerelyebo sa pagbabantay sa mahigit tatlong daang bilang ng mga
bilanggo sa loob ng Sorsogon Provincial Jail. (BARecebido/FBTumalad, PIA
Sorsogon)
No comments:
Post a Comment