Saturday, January 26, 2013

3 araw na anti-rabies vaccination isasagawa ng CVO



photo: oldspouse.wordpress.com
Ni: FB Tumalad, Jr. 

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 25 – Upang mas epektibo pang maipatupad ang Rabies Free Program sa lungsod ng Sorsogon, malawakang information dissemination campaign ang patuloy na ginagawa ng mga kawani ng City Veterinary Offfice (CVO) sa mga may alaga ng aso at pusa na kadalasan ay nagdadala ng sakit na rabis sa tao.

Ang pagsasagawa ng IEC ay pinangungunahan ni Dr. Ederlinda Esquillo, isa sa mga beterinaryo ng syudad.

Matatandaang  kahapon  ay  naglibot  ang kanilang mga personahe sa mga pangunahing lansangan ng lungsod kasabay ang distrito ng Bacon, at umpisa Enero 29 hanggang Enero 31 ng kasalukuyang taon, isasagawa ang libreng pagbabakuna sa mga alagang aso at pusa.

Ayon kay Dr. Esquillo  napili ang Sorsogon City bilang Pilot  City Testing Area ng GARC o Global Alliance on Rabies Control- Bantay Rabis sa loob ng tatlong taon.

Ang GARC ay isang US-based Non-Government Organization na nangunguna sa pagpapatupad ng mga programa ng anti-rabies bago pa man maging lungsod ang Sorsogon.

Ang kanilang sangay sa Sta. Rosa, Laguna ang siyang nagpapatibay ng taunan nang kampanya ng mga Local Government Units (LGUs) upang maibsan ang pagkalat ng sakit na rabis.

Ang malawakang kampanya laban sa rabis ay nag-umpisa sa Sorsogon sa pangangasiwa ng Provincial Veterinary Office hanggang maipaabot ito sa buong probinsya kasama na ang lungsod ng Sorsogon.
“Sa gagawing tatlong araw na anti-rabies vaccination, ang GARC ang siyang sasagot sa mga gagamiting gamot,” ayon pa kay Dr.Esquillo.

Maliban sa pagbabakuna, nakatakda ding magsagawa ang CVO ng Orientation Training for Vaccinators and Organization of Barangay Bantay Rabies Committee sa mga barangay ng lungsod sa darating na Enero 30. Inaasahang dadalo ang 400 na mga kasapi at opisyal ng Sangguniang Kabataan.

Sa tala naman ng CVO noong taong 2011, umaabot na sa mahigit 7,000 ang populasyon ng mga aso sa syudad at patuloy pa ito sa pagdami.

Positibo si Esquillo na maabot nila ang 70 porsyentong target na babakunahang mga aso sa loob ng tatlong araw. (FBTumalad, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment