photo: oldspouse.wordpress.com |
Ni: FB
Tumalad, Jr.
LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 25 – Upang
mas epektibo pang maipatupad ang Rabies Free Program sa lungsod ng Sorsogon,
malawakang information dissemination campaign ang patuloy na ginagawa ng mga
kawani ng City Veterinary Offfice (CVO) sa mga may alaga ng aso at pusa na
kadalasan ay nagdadala ng sakit na rabis sa tao.
Ang pagsasagawa ng IEC ay
pinangungunahan ni Dr. Ederlinda Esquillo, isa sa mga beterinaryo ng syudad.
Matatandaang kahapon ay
naglibot ang kanilang mga personahe sa mga pangunahing lansangan ng
lungsod kasabay ang distrito ng Bacon, at umpisa Enero 29 hanggang Enero 31 ng
kasalukuyang taon, isasagawa ang libreng pagbabakuna sa mga alagang aso at
pusa.
Ayon kay Dr. Esquillo napili
ang Sorsogon City bilang Pilot City Testing Area ng GARC o Global
Alliance on Rabies Control- Bantay Rabis sa loob ng tatlong taon.
Ang GARC ay isang US-based Non-Government
Organization na nangunguna sa pagpapatupad ng mga programa ng anti-rabies bago pa
man maging lungsod ang Sorsogon.
Ang kanilang sangay sa
Sta. Rosa, Laguna ang siyang nagpapatibay ng taunan nang kampanya ng mga Local Government
Units (LGUs) upang maibsan ang pagkalat ng sakit na rabis.
Ang malawakang kampanya laban sa
rabis ay nag-umpisa sa Sorsogon sa pangangasiwa ng Provincial Veterinary Office
hanggang maipaabot ito sa buong probinsya kasama na ang lungsod ng Sorsogon.
“Sa gagawing tatlong araw na anti-rabies
vaccination, ang GARC ang siyang sasagot sa mga gagamiting gamot,” ayon pa kay
Dr.Esquillo.
Maliban sa pagbabakuna, nakatakda ding
magsagawa ang CVO ng Orientation Training for Vaccinators and Organization of
Barangay Bantay Rabies Committee sa mga barangay ng lungsod sa darating na
Enero 30. Inaasahang dadalo ang 400 na mga kasapi at opisyal ng Sangguniang
Kabataan.
Sa tala naman ng CVO noong taong
2011, umaabot na sa mahigit 7,000 ang populasyon ng mga aso sa syudad at
patuloy pa ito sa pagdami.
Positibo si Esquillo na maabot nila
ang 70 porsyentong target na babakunahang mga aso sa loob ng tatlong araw. (FBTumalad,
PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment