Tuesday, January 22, 2013

Naglalabasang mga Butanding sa Donsol muli na namang aakit ng mga turista



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 21 (PIA) – Kinumpirma ni Department of Tourism Maria Ravanilla na maagang naglabasan ang mga Butanding ngayon na tiyak na namang aakit sa mga turista lalo na ang mga dayuhang turista.

Ayon kay Ravanilla, hindi lamang sa karagatan ng Donsol makikita ang mga Butanding ngayon kundi maging sa karagatan din ng Pilar, Sorsogon.

Sa ipinalabas na impormasyon ng DOT, buwan pa lamang ng Nobyembre noong nakaraang taon ay nakita nang naglabasan ang mga butanding dito sa Sorsogon gayong buwan ng Disyembre kadalasang lumalabas ang mga ito.

Sa katunayan, nito umanong nakalipas na buwan ng Nobyembre umabot sa lima hanggang walong Butanding ang nakita sa karagatan ng Donsol, na siyang dahilan na rin ng mas maagang pagdagsaan ng mga turista sa nasabing bayan.

Aminado naman ang mga opisyal sa turismo dito na may pagkakataong kumonti ang bilang ng mga Butanding noong nakaraang taon, subalit nilinaw ng DOT maging ng Sorsogon Provincial Tourism Office na hindi ito nangahulugang umalis ang mga higanteng isda sa karagatan ng Donsol kundi mas pinili ng mga itong mamalagi sa mas malalim na bahagi ng karagatan ng Donsol kung kaya’t yaong mga propesyunal na mga maninisid lamang ang nagkaroon ng pagkakataong makita at makasalumuha ang mga ito.

Ang madalas na pag-uulan ay nakakaapekto din sa pagpapakita ng mga Butanding.

Sa kabila nito, positibo pa rin ang mga opisyal ng turismo na isang magandang indikasyon ang maagang paglabas ng mga higanteng isda na muling tataas at lalakas ang turismo sa Bicol partikular sa mga bayan ng Donsol at Pilar at maging sa ibat- ibang bahagi ng Sorsogon na mayroong magagandang destinasyong pangturismo na tiyak namang pupuntahan ng mga turista matapos mapanood ang mga Butanding dito.

Sa datos noong 2011, tumaas ng 30 porsyento ang tourist arrival sa Donsol at inaasahang tataas pa ito ngayong taon at sa mga darating pang taon lalo pa’t pinagpaplanuhan na rin ng mga lokal na opisyal ng Sorsogon ang mga hakbang upang higit pang mapabuti ang serbisyo sa mga turistang dadayo hindi lamang sa Donsol kundi maging sa iba pang mga destinasyong pangturismo sa buong lalawigan. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: