Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 21 (PIA) – Kinumpirma
ni Department of Tourism Maria Ravanilla na maagang naglabasan ang mga
Butanding ngayon na tiyak na namang aakit sa mga turista lalo na ang mga dayuhang
turista.
Ayon kay Ravanilla, hindi lamang sa karagatan
ng Donsol makikita ang mga Butanding ngayon kundi maging sa karagatan din ng
Pilar, Sorsogon.
Sa ipinalabas na impormasyon ng DOT, buwan pa
lamang ng Nobyembre noong nakaraang taon ay nakita nang naglabasan ang mga butanding
dito sa Sorsogon gayong buwan ng Disyembre kadalasang lumalabas ang mga ito.
Sa katunayan, nito umanong nakalipas na
buwan ng Nobyembre umabot sa lima hanggang walong Butanding ang nakita sa
karagatan ng Donsol, na siyang dahilan na rin ng mas maagang pagdagsaan ng mga
turista sa nasabing bayan.
Aminado naman ang mga opisyal sa turismo
dito na may pagkakataong kumonti ang bilang ng mga Butanding noong nakaraang taon,
subalit nilinaw ng DOT maging ng Sorsogon Provincial Tourism Office na hindi ito
nangahulugang umalis ang mga higanteng isda sa karagatan ng Donsol kundi mas
pinili ng mga itong mamalagi sa mas malalim na bahagi ng karagatan ng Donsol
kung kaya’t yaong mga propesyunal na mga maninisid lamang ang nagkaroon ng
pagkakataong makita at makasalumuha ang mga ito.
Ang madalas na pag-uulan ay nakakaapekto
din sa pagpapakita ng mga Butanding.
Sa kabila nito, positibo pa rin ang mga opisyal
ng turismo na isang magandang indikasyon ang maagang paglabas ng mga higanteng
isda na muling tataas at lalakas ang turismo sa Bicol partikular sa mga bayan
ng Donsol at Pilar at maging sa ibat- ibang bahagi ng Sorsogon na mayroong
magagandang destinasyong pangturismo na tiyak namang pupuntahan ng mga turista
matapos mapanood ang mga Butanding dito.
Sa datos noong 2011, tumaas ng 30 porsyento
ang tourist arrival sa Donsol at inaasahang tataas pa ito ngayong taon at sa
mga darating pang taon lalo pa’t pinagpaplanuhan na rin ng mga lokal na opisyal
ng Sorsogon ang mga hakbang upang higit pang mapabuti ang serbisyo sa mga
turistang dadayo hindi lamang sa Donsol kundi maging sa iba pang mga destinasyong
pangturismo sa buong lalawigan. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment