Thursday, January 24, 2013

DOH Sec. Ona darating sa Sorsogon; Mga proyekto ng DOH-HFEP bibisitahin


Photo: coconutsmanila.com

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 24 (PIA) – Inaasahan ang pagdating ni Department of Health (DOH) Secretary Enrique Ona sa lalawigan ng Sorsogon ngayong araw.

Ito ang inihayag ni Public Information Officer Jim Guerrero ng DOH Center for Health Development Bicol at kinumpirma naman ng tanggapan ni Sorsogon Governor Raul R. Lee.

Sa inisyal na ulat ni Guerrero, sinabi nitong nakatakdang mag-ikot si Sec. Ona sa mga munisipyo sa Sorsogon partikular sa mga lugar kung saan may mga pasilidad pangkalusugan na ipinatupad sa ilalim ng DOH Health Facility Enhancement Program (HFEP).

Sa ilalim ng Aquino Health Agenda (AHA) o mas kilala sa terminolohiyang Kalusugang Pangkalahatan (KP), ipinatupad ng DOH ang HFEP upang maisaayos ang implementasyon ng mga mahahalaga at pangunahing serbisyong pangkalusugan sa komunidad.

Kabilang na dito ang pagpapaganda pa ng pasilidad ng mga Rural Health Unit, Barangay Health Station, at mga ospital sa lahat ng lalawigan sa buong bansa; komprehensibong pangangalaga sa mga buntis at mga ipinanganak na sanggol nang sa gayon ay maiwasan na ang mga insidente ng pagkamatay ng mga sanggol at nanganganak na mga ina; pagbawas ng mga nagsisiksikang mga pasyente sa ospital; at pag-angat ng akreditasyon sa Philhealth ng mga ospital mula sa first at secondary patungo sa tertiary level.

Ayon naman kay Provincial Health Officer Dr. Edgar Garcia, sa lalawigan ng Sorsogon, benepisyaryo ng Health Facility Enhancement Program ng DOH ang mga bayan ng Bulan, Matnog, Irosin, Gubat, Sorsogon City, Castilla, Magallanes at Donsol.

Matatandaang naipamahagi noong Nobyembre ng nakaraang taon ang halos ay P8.7-M halaga ng mga kagamitan sa iba’t–ibang mga bayan sa Sorsogon. Bahagi ito ng P14.2-M halaga ng mga kagamitang inilaan para sa Sorsogon sa ilalim ng DOH-HFEP para sa taong 2012.

Nakatanggap din ng P180-M halaga ng mga proyektong pang-imprastruktura ang lalawigan noong nakaraang taon para sa pagsasaayos ng serbisyong pangkalusugan at pagpapaganda pa ng mga pasilidad sa kalusugan dito maliban pa ito sa mga proyektong natanggap ng lalawigan mula sa HFEP noong taong 2011 at 2010. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment