Tuesday, January 22, 2013

Nawalang turistang Australyano ligtas na natagpuan


Photo: http://www.roam-travel.com/www.gemwood.net

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 22 (PIA) – Ligtas na natagpuan ang dalawang Australyanong maninisid na kinilalang sina Nicole Mcdonald, 29 taong gulang at Lance Mcdonald, 27 taong gulang kasama ng isang Donsolanong master diver na si si Bobby Adrao, 43 taong gulang, kahapon ng umaga sa isang resort sa San Jacinto, Masbate.

Ito ay matapos ang mahigit isang araw na Search and Rescue Operation ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard Special Operation Group, Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, Municipal DRRMC ng Donsol, Matnog at Bulan, PNP Donsol, Phil. Army at Philippine Navy. Sumabay rin sa paghahanap ang mga tauhan ng PCG Bicol.

Sa ulat na ipinadala ng Coast Guard Station Sorsogon sa PIA, isang nagngangalang Willcy P. Malto ang nagpaabot ng ulat sa Coast Guard Detachment Donsol noong Enero 20, 2013 na nawawala ang dalawang maninisid na Australyano.

Ayon pa sa ulat, pasado alas-otso ng umaga ng umalis sa Donsol, Sorsogon ang mga ito para sa gagawin nilang pleasure diving sa Manta Bowl sa Isla ng Ticao, pitong kilometro ang layo sa mga bayan ng San Jacinto at Monreal, Masbate subalit hindi na ito nakabalik sa itinakdang oras. Agad namang ipinagbigay alam ito ni Cenong Adlao, may-ari ng inarkilang bangka sa Fundive Asia, ang travel agency ng dalawang Australyano.  

Wala ding inaksayang oras ang Fundive Asia na nagpadala ng tatlong motor banca sa lugar na pinuntahan ng mga maninisid upang magsagawa ng Search and Rescue (SAR). Agad ding nakipag-ugnayan ang Coast Guard Detachment Donsol sa istasyon ng Coast Guard Masbate para sa kaukulang tulong.  Inalerto din ang lahat ng mga sasakyang pandagat na bumibyahe sa lugar upang ipagbigay alam sa mga awtoridad sakaling makita nila ang mga nawawalang maninisid.

Nakipag-ugnayan din ang istasyon ng Coast Guard Sorsogon sa Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (SPDRRMO) upang makapagsagawa ng emergency meeting at maikalat ang pangyayari sa MDRRMC ng Sorsogon.

Bandang alas sais y medya ng umaga kahapon ng makatanggap ng tawag ang mga awtoridad mula sa isang Omar Nepomuceno na nagsasabing tatlong mga nawawalang maninisid ang nasa resort sa Ticao Island sa Sitio Tacdugan, Bagahanglad, San Jacinto, Masbate.

Agad na pumunta sa nasabing lugar si Petty Officer In-Charge PO1 MM Floresta ng Coast Guard Detachment ng San Jacinto, dalawang tauhan ng Matnog Coast Guard Special Operations Group na sina PO1 CS Angelo at PO2 AL Bongyad kasama ng dalawa pang civilian volunteer at nakumpirma ang ulat.

Sakay ng M/B Venden, dumating ang mga nailigtas na maninisid sa Elysia Resort sa Donsol, Sorsogon at agad na isinailalim sa sa pagsusuri ni PCG Medical doctor Lt. Michael S Florencio. Nasa mabuting kondisyon naman ang nasabing mga survivors at pinayuhan na lamang na magpahinga bago payagang bumalik sa Maynila. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment