PENRO-LGU Head Engr. Maribeth Fruto |
Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 28 (PIA) – Muli
na namang nadagdagan ng mga bagong tanim na bakawan ang Mangrove Reforestation
Area sa Brgy. Gimaloto, Kanlurang Distrito ng Lungsod ng Sorsogon.
Ito ay matapos na ilunsad ang panibagong
inisyatiba ng Seaweed Growers Association, Inc. (SEAGRASS), isang peoples
organization ng Brgy. Gimaloto, kaugnay ng pagpapatupad ng pamahalaang
lalawigan ng Sorsogon ng mga proyekto at programang magbibigay ng
pangmatagalang kaunlaran, biodiversity at resource conservation.
Ang nasabing pagtanim ng mga bakawan ay
bilang tugon din sa Executive Order No. 533 o ang pagpapatupad ng Integrated
Coastal Resource Management bilang pangnasyunal na isratehiya upang tiyakin na
mapapalago at mapapaunlad ng pangmatagalan ang likas na yaman sa mga kostales
na lugar at karagatan sa bansa.
Tatlong libong mga propagule ang naitanim
sa mahigit kalahating ektaryang Mangrove Reforestation Area sa Brgy Gimaloto
noong Biyernes, Enero 25, 2012.
Photo: PENRO-LGU |
Ayon kay Redentor Lasay, presidente ng
SEAGRASS, Inc., ito na ang pangatlong pagkakataong nagsagawa sila ng malaking
aktibidad ng pagtatanim sa 82,000 ektaryang Mangrove Reforestation Area ng
Brgy. Gimaloto katuwang ang iba’t-ibang sangay ng pamahalaang nasyunal at lokal
na sinimulan nila noong nakaraang taon.
Una nilang isinagawa ang pagtatanim noong
Hulyo 2012 sa tulong at pondong ibinigay ng Bureau of Fisheries and Aquatic
Resources (BFAR) sumunod ay noong Setyembre 2012 sa tulong pa rin ng BFAR at ng
Sorsogon State College (SSC) sa ilalim ng Philippine National Aquasilvi Culture
Program (PNAP), at ang pinakahuli ay noong Biyernes sa ilalim ng P1-M Integrated
Coastal Resource Management Fund na ibinigay naman ng pamahalaang lalawigan ng
Sorsogon para sa 25 ektaryang bahagi ng kabuuang lupang target na taniman.
Halos ay 700 katao ang nakilahok sa
aktibidad noong Biyernes na kinabibilangan ng mga kinatawan at tauhan ng iba’t-ibang
mga sangay ng pamahalaang lokal at nasyunal sa pangunguna ng Provincial
Environment and Natural Resources (PENRO) – LGU, Bureau of Fisheries and
Aquatic Resources (BFAR), Phil. Army, Phil. National Police, Phil. Information
Agency, Provincial Tourism, Energy Development Corporation, DepEd, Provincial
Agriculture Office, mga mag-aaral ng Reserve Officers Training Course (ROTC),
at mga mga mangingisda.
Positibo naman ang mga kasapi ng SEAGRASS
na sa loob ng tatlong taon ay matataniman nila ang kabuuang ektaryang lupaing
target nila. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment