Ni: Bennie A. Recebido
DOH Sec. Enrique Ona (Photo: VAELabalan, PIO-Sorsogon) |
LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 28 (PIA) –
Binigyang-diin ni Department of Health (DOH) Secretary Enrique Ona na mahalaga
ang pagkakaroon ng magandang relasyon ng mga namumuno ng lokal na pamahalaan sa
pagpapatupad ng mga mahahalagang programa ng pamahalaang nasyunal.
Sa naging pagbisita ng kalihim sa Sorsogon
noong Huwebes, Enero 24, 2012, sinabi niya sa grupo ng mga media na ang kalidad
o lebel ng lokal na pamamahala at samahan ng mga punong ehekutibo sa isang
probinsya o rehiyon ang nagiging basehan din kung kaya’t napipili hindi lamang
ng pamahalaang nasyunal kundi maging ng mga foreign partner o foreign funder na
bigyan ng magandang proyekto ang isang lugar.
Ito din umano ang nagiging sukatan kung
anong programa ang makakatulong ng husto sa mga mamamayan at kung anong
programa ang maaaring maging matagumpay sa isang probinsya o rehiyon.
Sinabi pa ni Sec. Ona na mahalaga ding
hindi nahahaluan ng pulitika ang pagpapatupad ng mga programa lalo na ang mga
programang pangkalusugan upang mai-deliver ito ayon sa layuning itinakda at
makabenipisyo ang higit na nakararaming mga mamamayan.
Sa Sorsogon, sinabi ng kalihim na nakita ng
pamahalaang nasyunal na magaling ang pagpapatupad ng mga proyekto dito kung
kaya’t nabibigyan ang lalawigan at mga munisipyo nito ng maraming programa at
proyekto kabilang na yaong pangkalusugan.
Dagdag pa niya na sa ilalim ng DOH – Health
Facility Enhancement Program (HFEP), mahigit na sa P200-M ang naibaba ng
pamahalaang nasyunal sa Sorsogon mula pa noong huling mga buwan ng 2010
hanggang noong nakaraang taon.
Tinyak din niya na maaasahan pa ng Sorsogon
ang patuloy na pagdating ng tulong pangkalusugan mula sa national government.
Sa katunayan umano ay nakatakda nang i-deliver ang iba pang mga kagamitang una
nang hiniling ng Provincial Health Office sa DOH. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment