Monday, January 28, 2013

Magandang relasyon ng mga LGU, susi sa matagumpay na programa ng pamahalaang nasyunal – Sec Ona



Ni: Bennie A. Recebido

DOH Sec. Enrique Ona (Photo: VAELabalan, PIO-Sorsogon)
LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 28 (PIA) – Binigyang-diin ni Department of Health (DOH) Secretary Enrique Ona na mahalaga ang pagkakaroon ng magandang relasyon ng mga namumuno ng lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga mahahalagang programa ng pamahalaang nasyunal.

Sa naging pagbisita ng kalihim sa Sorsogon noong Huwebes, Enero 24, 2012, sinabi niya sa grupo ng mga media na ang kalidad o lebel ng lokal na pamamahala at samahan ng mga punong ehekutibo sa isang probinsya o rehiyon ang nagiging basehan din kung kaya’t napipili hindi lamang ng pamahalaang nasyunal kundi maging ng mga foreign partner o foreign funder na bigyan ng magandang proyekto ang isang lugar.

Ito din umano ang nagiging sukatan kung anong programa ang makakatulong ng husto sa mga mamamayan at kung anong programa ang maaaring maging matagumpay sa isang probinsya o rehiyon.

Sinabi pa ni Sec. Ona na mahalaga ding hindi nahahaluan ng pulitika ang pagpapatupad ng mga programa lalo na ang mga programang pangkalusugan upang mai-deliver ito ayon sa layuning itinakda at makabenipisyo ang higit na nakararaming mga mamamayan.

Sa Sorsogon, sinabi ng kalihim na nakita ng pamahalaang nasyunal na magaling ang pagpapatupad ng mga proyekto dito kung kaya’t nabibigyan ang lalawigan at mga munisipyo nito ng maraming programa at proyekto kabilang na yaong pangkalusugan.

Dagdag pa niya na sa ilalim ng DOH – Health Facility Enhancement Program (HFEP), mahigit na sa P200-M ang naibaba ng pamahalaang nasyunal sa Sorsogon mula pa noong huling mga buwan ng 2010 hanggang noong nakaraang taon.

Tinyak din niya na maaasahan pa ng Sorsogon ang patuloy na pagdating ng tulong pangkalusugan mula sa national government. Sa katunayan umano ay nakatakda nang i-deliver ang iba pang mga kagamitang una nang hiniling ng Provincial Health Office sa DOH. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments: