Thursday, January 31, 2013

Nawalang mangingisda sa Matnog patuloy pa ring pinaghahanap



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 31 (PIA) – Dalawang mangingisda ang naiulat na nawala noong Enero 29, 2013 sa lugar na sakop ng Talaksan Fish Sanctuary sa Brgy. Calintaan, Matnog, Sorsogon.

Sa inisyal na ulat na ipinaabot ni Search and Rescue Section Head Manro Jayco ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), bandang alas tres ng umaga noong Martes nang maiulat sa kanya na nawala ang dalawang mangingisda sa Matnog dahilan sa masamang kondisyon ng panahon.

Ayon pa sa ulat, buhay na nakuha ang isa sa dalawang mangingisda na kinilalang si Rey Buena sa Morong Island, Matnog, subalit ang isa pa na nagngangalang Amos Garlan, 43 taong gulang at residente ng Brgy. Camachelis, Matnog, Sorsogon ay patuloy pa ring pinaghahanap hanggang sa kasalukuyan.

Si Garlan ay may kasuotang kulay asul na t-shirt at maong na shorts nang mawala ito habang naglalayag sa nasabing karagatan.

Sa opisyal na impormasyon ng Matnog DRRMO, tumaob aniya ang sinasakya nilang baruto matapos hawiin sila ng malakas na hangin at alon habang nangingisda sa bisinidad ng Brgy. Paghuliran, Matnog, at nagkahiwalay na ang dalawang mangingisda.

Ayon naman kay SPDRMO Chief Raden Dimaano, nagpapatuloy pa rin ang kanilang Search and Rescue katuwang ang Coast Guard Station Matnog, at ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Council kay Garlan.

Sa ngayon, hinihintay na lamang nila ang mga huling ulat ukol sa ginagawang paghahanap mula sa Coast Guard Station Matnog. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments: