Wednesday, January 30, 2013

Kagamitang hiling ng Sorsogon PHO mula sa DOH, idedeliber na, ayon kay Sec. Ona


(L-R) Sec. Ona with V-Gov. Kruni Escudero and Gov. Raul Lee (VAELabalan)  

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 30, (PIA) – “For delivery na…,” ito ang pagtitiyak ni Department of Health (DOH) Secretary Enrique Ona sa Pamahalaang Lalawigan ng Sorsogon kaugnay ng mga kagamitang hiling ng Provincial Health Office para sa mga ospital dito.

Ayon sa kalihim, mithiin ng kanyang pagbibisita sa lalawigan ng Sorsogon noong Huwebes, Enero 24, 2012, ang tingnang maigi ang malapit na ugnayan at samahan sa pagitan ng pamahalaang lokal at nasyunal.

Sa pagharap ni Sec. Ona kay Sorsogon Governor Raul R. Lee at Vice-Governor Kruni H. Escudero, mga hepe at kinatawan ng regional at provincial officers ng DOH at Philhealth at mga alkalde ng Sorsogon, sinabi nito na mahalagang maabot ang nabanggit niyang mithiin.

Base sa ipinakitang Health Status Report ng Sorsogon ni Provincial Health Officer Dr. Edgar F. Garcia, ipinaliwanag ni Sec. Ona na nakapaglaan na ang national government ng mahigit P200-M dito sa Sorsogon para sa mga proyektong pang-imprastruktura hanggang taong 2012.

Para naman sa taong kasalukuyan, tinitingnan aniya ng DOH kung nagawa na ang mga ipinaabot na tulong ng ahensya at kung handa nang gamitin ang mga ito. Kabilang sa mga kagamitang hiniling ng PHO na aniya’y “for delivery” na ay ang dental chair, hospital bed, x-ray, incubator, ECG machine at iba pa.

Sa ginanap na pagpupulong sa tanggapan ni Gov. Lee, binigyang-diin ni Ona ang kahalagahan ng pagiging isang enrolled member ng Philhealth. Sa pamamagitan aniya nito malalaman kung sapat ang kakayahan ng lokal na pamahalaan hindi lang sa gastusin para sa mga ospital, kundi pati na rin sa suweldo ng mga health worker.

Hiniling din nito sa mga naroroon sa pulong na tulungan ang mga tunay na mahihirap na isama sa listahan ng National Household Target System ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Dapat aniyang magtulungan ang national at local government na mai-enroll ang mga mamamayang mahihirap, nang sa gayon ay maka-akses ang mga ito sa benefit coverage na ibinibigay ng Philhealth dito sa Sorsogon.

Todong nasiyahan din umano ang Kalihim sa Kalusugan sa kanyang pagbisita sa Putiao, Pilar, Sorsogon at naikumpara pa ito sa kanyang ginawang pagdalaw sa Mexico kung saan sinabi nitong mas maganda pa ang kanyang nakita dito.

Kasama pa sa dinalaw ng opisyal ang mga pasilidad pangkalusugan at nagpapatuloy na mga proyekto ng lalawigan, partikular sa bayan ng Castilla, gayundin sa Fernando Duran Memorial Hospital, Sorsogon City, Irosin District Hospital, Pantaleon G. Gotladera Memorial Hospital sa Bulan at Matnog Medicare and Community Hospital. (VAELabalan, PIO Sorsogon/BArecebido, PIA Sorsogon)

No comments: